Sa gitna nang papatindi’t lumalalang krisis ng lipunang malakolonyal at malapyudal, matagal nang nasagot ng mga makata sa Kilometer 64, ang tanong sa silbi’t pinagsisilbihan ng kanilang mga tula. Lalong hindi nito ipinagtataka, kung bakit natagpuan ang isa sa pinakamahusay na manggagawang pangkultura, mangaawit, komposer, manunulat, makata, sa kanyang henerasyon, sa pinakaliblib na baryo Bay-ang sa bayan ng San Jorge, sa Samar.
Hindi marahil, kundi may katiyakang, sa bahagi ni Ericson Acosta’y maliwanag din sa kanya ang sagot sa tanong na inilatag na noon pa man ng isang bantog na makata ng protesta na si Gelacio Guillermo: “Ano ang silbi? Sino ang pagsisilbihan? Paano?”. Lalo at hindi na lamang siya nagkasya sa paglikha ng mga komposisyon, berso, dula, pagtatanghal sa loob ng sonang komportable siya. Iniluwal at nakatira sa Cubao, Quezon City, at nakapagaral sa Unibersidad ng Pilipinas, ubod sa talento’t kasiningan, inialay ni Ericson hindi lamang ang mga obrang kanyang iniluluwal kundi ang kanyang mismong sarili at nagtungo sa kanayunan, upang makipamuhay sa higit na aba.
Sa kanya mismong pahayag kamakailan, sabi niya:
“Maitatanong pa ba kung ano ginagawa ng isang makata at manunulat sa isang kasuluk-sulukang baryo na gaya ng Bay-ang? Marahil, ang dapat na nating itanong sa ngayon ay kung bakit mailap, at ni hindi yata nakakadalaw sa mga lugar na tulad nito ang pinakahihintay na bisita na ang pangalan ay Hustisya.”
Walang duda sa kung ano ang ginagawa ni Ericson Acosta sa sulok na iyon ng Pilipinas. Pinili ni Ericson na itala sa kasaysayan gamit ang kanyang kabataan, kakanyahan at kahusayan ang mga tunay na pangyayaring pilit na kinukumutan ng kasinungalingan. Naroon si Ericson upang itangan ng mahigpit, ang katapatan niya sa tungkuling sinumpaan:
“Writing is inscribing reality. Writing is speaking truth to action.”
Writer’s Manifesto of Unity on the Freedom of Expression,
Amado Hernandez Resource Center.
Writer’s Manifesto of Unity on the Freedom of Expression,
Amado Hernandez Resource Center.
Ang laganap na militarisasyon sa kalakhang lalawigan ng Leyte, lalo sa bayan ng San Jorge, at ang pinsala nito sa kabuhayan, katarungan at dignidad ng mga mamamayan roon, ang matapat na sinusulat at sinasaliksik ni Ericson ng mga panahong iyon. Tungkulin ng kanyang mga akda ang maging lapat sa inaapakang lupa. At ang walang takot na pagtatala ng mga tapat na datos at kalagayan panlipunan ang kanyang pinagkakaabalahan.
Inialay ni Ericson ang kanyang buong buhay sa paglilingkod sa sambayanan. Ngunit, sa kabila ng ganitong layunin. Walang warrant na inaresto, iligal na dinetine, tinortyur, pinagkaitan ng mga batayang karapatan, at inakusahan ng gawa-gawang kaso, si Ericson Acosta.
Kaya sa hanay ng makata ng Kilometer 64 Poetry Collective, mahigpit naming kinokondena ang paglabag na ito, at iginigiit na marapat nang palayain sa lalong mabilis na panahon nang walang kondisyon ang aming kapatid sa pluma, kamakata, na si Ericson Acosta.
Nananawagan kami sa Gobyernong Aquino, na bigyang bisa ang kanyang kalayaan sa pinakamabilis na panahon sa pamamagitan ng pagbitaw sa kanilang inimbentong asunto dito.
Makakaasa, si Ericson Acosta, ang kanyang mga kaibigan at kapamilya, na aktibong magsususog ang Kilometer 64 ng kampanya sa agarang pagpapalaya kay Ericson, at magiging mapagbantay sa isusulong ng kaso nito.
Ang laban ni Ericson, ay ang matagal na ding itinataguyod na laban ng mga makata ng protesta, sa hanay namin.
No comments:
Post a Comment