Si Donato Continente, Kule istap, aktibista, at bilanggong pulitikal, sa kanyang paglaya noong 2005.(Unang nalathala ang akdang ito sa isyu 5 ng Philippine Collegian noong 12 Hulyo 2011.)
Hindi namin siya inabutan sa Kule. Noong ’80s, naging bahagi siya ng dyaryo hindi bilang manunulat o editor kundi bilang suporta sa istap. Pero isang araw noong 1999, hindi lang isang manunulat kundi ilang myembro ng istap at mga editor ng Kule ang sabay-sabay na bumisita sa kanya sa maximum security ng Bilibid.
Hindi biro ang ibinintang sa aktibistang si Donato Continente — ang pagpatay sa isang mataaas na ranggong opisyal-miltar ng US, si Col. James Rowe. Bagamat inako ng NPA ang pagpatay, hindi roon nagtapos ang pahirap kay Donat. Dalawang buwan siyang tinortyur para paaminin, at dahil sa presyur ng militar ay namatay ang nakababata niyang kapatid.
Si Donato Continente na nga marahil ang isa sa pinakatampok na bilanggong pulitikal sa bansa sa nakaraang dekada. Pinalaya siya noong 2005, matapos ang 16 taong pagkabilanggo. Nang tanungin siya kung babalik pa ba siya sa pagkilos bilang isang aktibista, ang sagot niya ay hindi, dahil wala naman daw siyang babalikan. Para sa kanya, kahit nabilanggo ay hindi naman siya lumisan.