Monday, November 7, 2011

Higanteng Nahihimbing

ni Omeng Rodriguez


Ilang taon ko na rin hindi nakikita si Ericson. Bukod sa pagbasa sa kanyang mga blog entry, mga interbyu na mapapanood sa youtube at pakikinig sa kanyang mga orihinal na awitin sa soundcloud, mas ninais kong makita at makamusta siya ng personal. Nang magkaroon ng pagkakataong maapruba ang paggawa ng isang proyekto para sa mga bilanggong politikal, alam kong magiging makabuluhan ang dalawang araw na pananatili sa syudad ng Calabayog sa isla ng Samar upang dalawin doon ang hinahangaang alagad ng sining.

Matapos ang lampas tatlong oras na biyahe mula Tacloban, kasama sina Wena, Sinag at Eman, ang nag-iisang anak nina Ericson at Kerima, at sa tulong na rin ni Gerry na ka-henerasyong aktibista sa UP na nakabase na sa Tacloban, bagaman pagod sa biyahe, maluwalhati naming narating ang Calbayog sub-provincial jail. Ilang metro lamang ang layo nito sa highway. Tila isa itong pinaglumaang warehouse ng ahensiya ng pamahalaan na ginawang kulungan ng mga presong nahuli sa sinasakupang lugar. Sa pagsilip sa siwang ng tarangkahan ng guwardiya at tuluyan nitong pagbukas, bumungad sa amin ang mga taong nakasibilyan. Bagaman may pagtataka sa kanilang mukha sa aming pagdating, naroon din naman ang kanilang magiliw na pagtanggap sa amin bilang mga dalaw.

Ipinahiram ng warden ang kanyang mesa upang may mapatungan kami ng gamit. Dinala ito sa kuwartong itinalaga na lugar ng pagbisita sa mga nakapiit doon na preso. Ang mga sumunod na kuwarto nama'y nagsisilbing mga selda at tarima. Sa isang gilid may maliit na tindahan ng tsitirya, tinapay at softdrinks. Parang itong isang maliit na komunidad; may mga kubo, may mga batang naglalaro, may mga buntis na asawa ng ilang preso, at may inaalagaang mga hayop sa likurang bakuran. Ilang minuto lamang, dumating si Ericson. Magiliw niya kaming niyakap. Bagaman aminado na hindi siya gaanong nakatulog dahil sa antisipasyon sa pagdalaw ng mga kaibigan, nananatili ang palabiro niyang katangian na sinamahan ng ngiting tatak na niya noong magkakasama pa kami sa kolehiyo.

Sa kamustahan namin nalaman ang ilan sa kanyang kalagayan sa loob ng piitan; kung papano niya ginawang silid-aralan ang piitan upang matutong magsulat at magbasa ang kanyang mga kasama sa selda, ang pagpapalalim ng talakayan sa pagitan ng mga preso sa mga lokal at pambansang usapin, at ang pagdiin sa mga protesta sa loob mismo ng piitan dahil sa pag-abuso sa kapangyarihan ng ilan sa mga namamahala doon. Habang nagkukwentuhan, makikita naman sa labas ang palakad-lakad na nakasibilyang kalalakihan na binanggit ni Ericson na kasapi ng mga militar na nagtayo ng kampo sa likuran ng piitan simula ng siya'y mahuli. Ikinuwento niya ang kalagayan ng ilan sa mga preso; ang mga kinasadlakan ng mga goons ng mga natalong politiko, ang aleng sa halip na ikulong ang anak na maysala ay siya ang ikinulong, at ang mga karaniwang kuwento ng mga presong biktima ng inhustisya sa lugar.

Kahit kami'y nasa lugar ng piitan, para na kaming iniligid ni Ericson sa buong probinsiya ng Samar gamit ang kanyang mga salita, galaw at tila pag-awit ng kasaysayan ng islang pinili niyang maging lunan ng tunggalian. Isinalaysay niya ang kanyang naging karanasan sa paglingkod sa kanayunan; kung paano siya dinakip at pinaratangan ng mga militar, ang ginawang pagsuporta at pagtanggol sa kanya ng masa upang siya'y bawiin, at ang nakaukit ng kamalayan sa diwa ng himagsikan na nananahan sa buong isla ng Samar na walang ipinagkaiba sa iba pang probinsya at isla sa Pilipinas.

"Isang higanteng nahihimbing ang isla ng Samar, isang higanteng marapat gisingin" sabi ni Ericson.

No comments:

Post a Comment