Mayo 12, 2011
Dear Ka Eric,
Kumusta?
Sana’y di mo na lang ako nabanggit sa blog entry mo. O ang mas tama – sana’y naunahan ko nang pagliham ang pag-acknowledge mo sa akin. Wala sanang pressure isulat ito. Mas masarap lumiham nang spontaneous, ‘yung walang umaasa na may maganda akong sasabihin.
Hindi sana ako nag-aalala sa grammar, bantas, syntax at/o semantics.
Plano ko nga sana ay magkakalkal na lang ng "pro-forma” statement of support. Yung tipong:
Ako, sa ngalan ng (Org ko) ay taas-kamaong nagpapaabot ng pinakamaalab (o pinakarebolusyunaryo, depende sa okasyon) na pakikiisa sa marubdob na panawagan ng mamamayan sa agarang pagpapalaya kay Ka (pangalan ng nakakulong). Naniniwala kami na walang sinuman ang dapat na mabilanggo dahil sa kanyang pampolitikang paniniwala.
(Maghahapag ako ng kapirasong Natsit o HR sit)
(Bago tapusin, sisipi ako ng isang malupit na quotation, hal.,
our tomb is not of marble but of rusty iron bars
and on the headstone engraved: eternal struggle. – mula sa tula ni Axel Pinpin na Ang Pagdalaw sa Libingan ng mga Buhay)
Palayain si Ka (pangalang ng PP)! Palayain ang lahat ng bilanggo politikal! Hanggang sa ganap na kalayaan!
Mas mabilis sana kung ganan. Tutal pwede naman akong mag-cramming, huwag gawin ang homework na mag-alam pa tungkol sa iyo. Tutal hindi naman tayo personal na magkakilala. Kahit pa mas-matangkad-pa-sa-akin ang inggit ko sa Walang Kalabaw sa Cubao mo.
Nito ko na lamang malalaman na ikaw pala ’yun. Na ikaw din pala ang mismong bumigkas nun, tama ba? Mahabang panahon ding laman ng CD collection ko ang Uniberso bago ito finally mapasama sa mga nakumpiskang gamit ko noong ako ang mahoyo.
May partikular kang request sa blog entry mo, kamo sabihin ko kung paano ko hinarap at nilagpasan ang karanasan namin. Wala talagang 1-2-3 guide e. Nun ngang aktong magkakadamputan, hindi ko nagawa ang No.1 rule na ihiyaw ang pangalan, address at i-identify ang yunit na humarang sa amin, in-short – gumawa ng eksena.
Paglutas sa kahandaang mamatay ang una kong inatupag nun.
Alam kong nalampasan mo na ito. Pero hindi masamang i-share rito para sa iba pang mga kasama. O, sa ibang nakakabasa nito, hindi ako nananakot. Dapat nating maintindihan na bilang mga aktibista – ang damputan/dukutan, pagdaan sa torture at interrogation at pagkakakulong ay sing-normal ng pagdalo natin sa pulong, pagbibigay ng mass education, pagmamartsa sa rally, so on and so forth.
Eto ang tumatakbo sa utak ko pagkatapos kaming isakay sa van at maposasan at mapiringan na:
"Ayan Axel, sumpa ka nang sumpa na buhay-man-ay-ialay, pagkakataon mo na ngayon na handa ka itong patunayan.”
Maiksing sandali lang ’yun. Pagkatapos nun, napakadali na ang lahat. Walang halong bola. Kasabay nito ang pag-arte kong hinihika ako, kahit wala akong theater workshop at instinct lang ang nagtulak sa akin na baka mababawasan ang pahirap kung makikita nilang sakitin ako. Palagay ko, mas mape-perfect mo ang execution nito kung nagkakilala at nagkakwentuhan na muna tayo bago ka nadampot at naibigay kong tip ito sa ‘yo.Nakita ko sa picture mo, pareho naman tayong kapani-paniwalang may hika. Ngapala, singit ko na agad rito, gawan mo nang paraan na hindi ka sa sahig matutulog. D’yan ko nakuha ang pneumonia at TB ko paglabas. Sampung buwan ba naman kaming sa semento natutulog, kung hindi pa kami nag-hunger strike para sa kapirasong tarima.
Alam ko ring magiging pampubliko ang sulat kong ito kaya hindi ko pwedeng ibalandra lahat rito ang mga technique ko at baka ma-preempt lang ang mga plano mo, gaya ng:
- paano lulutasin ang buryong (mababasa mo naman ang ilang pamamaraan ko sa tulang Kung Paano Paslangin ang Pagkabagot sa Loob ng Karsel)
- paano lalansihin ang bantay para makapagpasok ng kontrabando
- paano aawayin at kakaibiganin ang gwardya
- paano ioorganisa ang kapwa bilanggo
- paano magdidisenyo ng mass campaign para sa prison struggle
- paano mag-hunger strike
- paano tatakas/makakalaya
- paano tatanggaping maaring magpabalik-balik tayo sa No.1 ng listahang ito pagkatapos ng No.7
Alam mo, hindi dapat ikaw ang sinusulatan ko, dapat sana ‘yung mas marami pang tao na wala-namang-keber sa kalagayan mo. Yung napaka-mundane at trivial ang concern sa skinny jeans at mohawk nila. Dapat sila ang kinukumbinsi ko na “Huy, may nakakulong na spoken word artist. Panis ang mga pyesa ng RASP ni Lourd De Veyra sa Walang Kalabaw sa Cubao. Suportahan naman natin.”
Marami nang kasama ang gumagawa n’yan, titiyakin ko sa ’yo. Walang oras na hindi nila naiisip na gawing mabilis ang paglabas mo riyan. Bukod sa campaign committee mo, sigurado akong marami kang kaibigan at kasamahan na isinisingit sa pang-araw-araw na buhay nila ang kampanya para makalaya ka.
Hindi ito para pakalmahin ka. Alam ko ang pakiramdam ng nakakulong kapag parang wala nang nag-iingay sa labas. Nakaka-paranoid na baka pinababayaan na ang kaso. Kapag walang dumadalaw, kapag walang sulat, kapag walang balita, kapag wala kahit ano. Nakakasira-ng-bait.
Iyan talaga ang gustong mangyari ng estado sa mga bilanggong politikal.
Hinihigpitan na raw ang paglabas ng mga sinusulat mo? Baka naman ipinagpapaalam mo pa. Another rule – mas madaling magpaliwanag kesa humingi ng permiso.
Anyway, gusto ko sanang i-share sa ’yo ang tipong recommended readings while in jail. Kaso hindi ko hawak ngayon ’yung listahan ko. Ang tanda ko naka-204 na aklat ako sa loob. Walong (8) notebook at 3-box ng Mongol ang inubos sa loob ng 28-months na pagkakabilanggo. Yang lapis, dahil sa Su Doku ‘yan at hindi pa sa mga literary works ko.
Palagay ko rin, karamihan sa mga binasa ko ay nabasa mo na rin. Pero hindi masamang balikan at basahin ulit ang mga paboritong libro. Hindi applicable sa nakakulong ang ”Too Many Books, Too Little Time”.
Eto, at random, kung mapapahanap mo ito (panawagan na rin sa iba pang nakakabasa nitong sulat ko):
- The Bible As History ni Weine Keller
- Sacco and Vanzetti at Haydee Santa Maria (Rebel Lives)
- Fanshen ni William Hinton (inattempt kong isalin ito nung feeling ko mako-convict na kami)
- Lennon Revealed ni Larry Kane (Pinakabago ito sa pagkakaalam ko. Nilinaw ang teoryang bading si John, may DVD rin sa back cover na nagwe-weather reporting siya)
- Bandoleros ni Orlino Ochosa
- The Tale of the Body Thief ni Anne Rice (mainam na pampaantok)
- Secret Windows ni Stephen King
- Of Mice and Men ni John Steinbeck
- The World’s Most Notorious Men (nariyan si Jim Morrison at Kurt Cobain sa mga brief bio, pati si Stalin na demonized syempre. The best ang kwento riyan ni Larry Flint)
- The Black Poets na edited ni Dudley Randall
Sa pelikula, kung may access kayo sa TV at video player, wala nang papantay pa sa mga prison movies! Wag mong palalampasin kahit si Robin Padilla. Palagay ko e yang mga prison movies ng Pinoy ang may nearest depiction sa mga tunay-na-nangyayari sa lipunan kumpara sa iba pang pelikula na kathang-isip. Intentional malamang, para takutin ang mamamayan sa terror na meron sa loob ng bilangguan. Pahanap ka na ng 4-na-serye ng Prison Break.
Last hirit, oo nga’t routinary ang buhay diyan, magara pa rin na i-organize ang bawat araw. Sa tipikal na araw na walang dalaw, eto ang itinerary ko noon:
UMAGA –
· Magkakape.
· Magpapa-araw at mag-eehersisyo. (5-minutong stationary jogging, calisthenics, 3 sets of 10 push-ups at pull-ups)
· Mag-aalmusal.
· (makikinig ng balita sa AM Radio. Kung may headset ka, simultaneous lahat yan sa morning ritual mo maliban kapag naliligo)
· Magbabasa ng dyaryo kung meron. Magsasagot ng Su Doku
· Bago mananghali – makikipagtalakayan sa kakosa o gwardya
TANGHALI – Kakain.
· Makikinig pa rin ng balitang-tanghali o kaya’y simulan mo nang sumubaybay ng mga drama sa radyo, maniwala ka, entertaining iyan.
· Makatanghalian – umidlip nang at least isang oras
· Pagkagising, makikipagtalakayan ulit.
· 4PM – may balita na ulit sa dzRH nang ganyang oras. Hanggang prime time news na ’yan na simulcast naman sa AM radyo ang mga balita sa TV
· Hapunan – wag kararamihan ang kain
GABI – manunuod ng isang pelikula.
· Magbabasa at/o magsusulat (Mahalagang rule sa akin na huwag magbasa o magsulat sa araw para maksimisado ang iba pang aktibidad. Naa-isolate rin tayo sa mga kakosa at bantay kapag ginawa natin ito sa araw.)
Ngapala, nasa regular jail ka, kami ay nasa Police camp noon kaya tiyak na magkaibang-magkaiba ang sitwasyon natin. Pero maari ring applicable sa iyo ang iba riyan.
Iyan na muna. Pasensya na, wala pa akong tula sa iyo. Palagay ko rin ay hindi na kita maigagawa pa. Bukod sa mahirap gumawa ng tula sa kapwa makata, umaapaw na sa talinhaga ang kalagayan mo ngayon.
Maraming salamat sa pagbabasa sa mga tula ko. Tatapusin ko sa nakasanayan kong closing ang liham na ito (hindi ako nage-STP/STR ever sa buong activist life ko).
Sa ating di-magmamaliw na Panata sa Kalayaan,
Axel Pinpin
No comments:
Post a Comment