Monday, May 16, 2011

Haranang Bayan




mula sa asteroid b-612 blog

Hindi ko na nadatnan ang antok nung makauwi ako ng bahay.

Naiwan ata sa Taumbayan bar kung saan ginanap ang Haranang Bayan: Panata sa Kalayaan ni Ericson Acosta. Hirap kasi kasi akong matulog na hindi naliligo ulit. Nung gabing yun dala ng init at pagod, hindi ko na rin kinayang pumunta ng banyo. Nagpalit ng damit, naghubad ng sapatos at nahiga. Alas kwatro pasado, nakatingin ako sa madilim na kisame, ina-assess ang mga nangyari sa event.

Pasado alas sais nung dumating ako ng venue, andun na sina Lester, Pia at Maan. Andun na din si Louise Amante at ang mahal niyang kabiyak.

Naupo muna at pinasadahan ko ang bagong ayos ng Taumbayan.

Paunti-unti, dumadating na ang mga tao.

Nakatakdang magumpisa dapat ng alas syete, pero siyempre hindi yun nasunud.

Ganap 8:30, binuksan ko ng tula mula sa libro ni Axel Pinpin, Itakas Ninyo Ako. Personal favorite ko ito at ito rin talaga ang tema nung gabing iyon- ang pagtakas kay Ericson na tatlong buwan nang nakakulong.

Sinundan iyon ng awitin ni Dessa Ilagan mula sa OST ng pelikulang Sigwa. Binasa naman ng kanyang mahal na inang si Maam Marili ang tula ni Sir Boni Ilagan para kay Ericson.

Kinwento ni Bayan Sec Gen at lalong naging malapit na kaibigan ni Ericson na si Nato Reyes ang kahusayang mag-isip ng sandatahang lakas ng Pilipinas. Nagpasalamat din sya sa mga dumalo sa kabila ng ikli ng panahon ng pag-iimbita at humingi pa ng suporta para kay Ericson. Tumula naman ng dalawang tula si Pia Montalban, isa mula sa proyektong pitong sundang ni Ericson at isang nagawa naman nya para sa kanya.

Nagsalita rin ang ama ni Ericson, nagpasalamat sa suporta. Nakakatuwa ang iniwan niyang biro, na kung totoo ngang may mataas na katungkulan sa NPA si Ericson Acosta- karangalan niya iyon bilang ama.

Tumugtog naman pagkatapos si Karl Ramirez at ang manunuod lang dapat na si Tony Palis, sila ang Batman and Robin ng gabing iyon. Sumunod sa kanila si Babes Alejo, na bumigkas ng tula at tumugtog ng ilang komposisyon ni Ericson.

Binasa naman ni MJ Rafal ang bagong tula nya para kay Ericson (Sa Labas na Mundo).

Sumalang ang Bersus na tumugtog ng awitin ni Mike Hanopol (Mr.Kenkoy) na pinalitan ang ilang linya ng mga katagang “..hoy Noynoy, Mr Kenkoy..” patungkol syempre kay sa napakahusay na pangulong si Noynoy Aquino.

Binasa naman ng ka-fb kong noon ko lang nakitang si Ret Castillo ang isang tula tungkol sa mga detinidong pulitikal. Pinarinig ni Che Gitara ang ilan sa mga bago nyang komposisyon.

Isa sa pinakaabangan ng gabing iyon- si Bob Balingit, tulad ng dati ay nagbigay naman ng matitinding awitin. Tinapos nya ang kanyang set sa sikat na awitin ng Beatles na Across the Universe na iniba’t pinalitan nya ng Acosta Universe, isang magandang segue para i-plug ang susunod na event (Acosta Universe, May 26, My Brother’s Moustache) at pa-birthday kay Ericson na magdidiwang ng kanyang kaarawan.

Nagtanong si Matt ng Karatula JRU sa pamamagitan ng kanyang tula kung ano nga ba ang kasalanan ng isang naglilingkod sa sambayan para ikulong. Humabol nung gabing iyon ang mahusay na musikerong si Danny Fabella bitbit ang isa pang paborito kong kanta nyang tungkol sa mga di-pangkaraniwan. Pinarinig rin ni John Pablo, mula din sa grupong Karatula ang ilan nyang komposisyon.

Tinapos ang gabi sa pamamagitan ng pagpaparinig sa ilan sa mga awitin mula sa prison sessions (recording sa Calbayog Provincial jail nina Nato at Ericson). Limang araw lamang ang preparasyon ng event na ito, pero sa dami ng dumalo at nagtanghal, nagpapatunay lang na handa ang mga kaibigan, mahal sa buhay at kasama na handa ang lahat na palayain at itakas si Ericson Acosta.


haranang bayan, may 13, 2011, taumbayan bar kamuning, QC

No comments:

Post a Comment