Sunday, May 15, 2011

Alab Ng Pluma


Sa kadakilaan ng adhikain

ng makapangyarihan mong pluma,

iminumulat ang masa

sa bawat likha nitong obra.


Sa iyong mga tula,

tinatablan sila.

Kanilang ninanamnam

ang bawat mong salita.


"Pagkat para saan ang makata?

Para saan ang tula?

Kundi rin lang malaya,

At hindi nagpapalaya"


Pluma at paninindigan

ang tangi mong tangan.

Ito ang iyong sandatang

pantapat sa armas ng kalaban.


Ang mga hinabi mong kataga

ay higit na mapaminsala

higit pa sa bala ng kalaban

o anumang sandata.


'Pagkat mamatay ma't mawala

ang isang makata,

libu-libong tulog na diwa na

ang ginising ng kanyang tula.


Ang makata'y dinakip,

binusalan ang bibig.

Diwa niyang makabayan

pilit sinasagkaan.


Ngayon makata'y detenido,

nasa madilim na yugto.

Isang malamlam na lampara

ang tangi niyang kasama.


Ngunit sa taglay nitong apoy

lagablab ng diwa'y dadaloy.

Tula niya'y magpapatuloy.

'Di pansin ang panaghoy.


Maalab niyang panitikan

pilit man nilang sugbaan

patuloy na magniningas,

muli't muling babalikwas.


Ngayon makata'y detenido

tinanggalan ng laya

Pero kailanma'y 'di sumuko.

Ni minsan "di nanghina.



-Grobyas Magdiwang

Alay kay Ericson Acosta

ika-8 ng Mayo, ika-pito ng gabi

No comments:

Post a Comment