Sa pag-akyat, ginamit na eksibit area ang bawat palapag at hagdan ng gusali. Ang simpleng espasyo’y naging lunan ng mga sining biswal na nagtatampok sa usaping politikal na kinasasadlakan ng bansa; extrajudicial killings, enforced disappearances, demolisyon, militarisasyon at ang tampok ng pagtatanghal: ang kalagayan at panata ng mga bilanggong politikal.
Masungit ang mga militar habang pilit na pinauupo ang mga manonood upang sabihing isang oryentasyon ang dinaluhan ng mga manonood hinggil sa programa ng pamahalaan. Sa huli’y matutukoy na ito na rin ang hudyat ng simula ng palabas.
Kapansin-pansin ang biswal na kulturang iniangkop ng produksyon. Inilangkap ang paggalaw ng mga anino at imahen sa telon sa mga pangyayari sa kasaysayan sa panahon ng pananakop ng imperyalistang Amerikano sa bansa. Naging tuon ang Samar kung saan isinagawa ang masaker sa mga batang 10 taong gulang- pataas ang edad bilang ganti ng Amerika sa matagumpay na pananalakay ng mga taga-Balangiga sa dayuhang hukbo noong 1901.
Sinaliwan din ng sayaw ang live na musikang nagtatanghal sa mga orihinal na musikang likha ng grupong kinabibilangan ni Ericson Acosta, isang bilanggong politikal na kasalukuyang nakapiit sa Calbayog Provincial Jail sa Samar. Gamit ang teknolohiya, nagawan ng paraan na isang bilanggo ang maging tagapagsalaysay ng dula. Bagaman siya’y nakapiit, hindi naging hadlang ang rehas upang dumaluyong ang kanyang malikhaing isipan. Sa pamamagitan ng sayaw, nagmistulang awit na rin ang bawat galaw upang isalaysay ang kalagayan ng mga bilanggong politikal; ang paghihimagsik ng mga anak ng lupa at ang paghawak ng tabak bilang tanda sa pagbuwis ng buhay ng mga nagtatanggol sa aping uri ng lipunan.
Gamit ang monologo, itinampok din ang mga naging bilanggong politikal, partikular sa panahon ng batas militar. Dito nagsilbing testimonya ang sining upang ilahad nina Judy Taguiwalo at Bonifacio Ilagan ang kanilang naging karanasan sa piitan at kung bakit hanggang sa ngayo’y nagpapatuloy sila sa pakikibaka tungo sa paglaya ng mga bilanggong politikal at ng bayan. Hindi naging epektibo ang piitan upang tumigil sila sa pakikibaka. Sa halip, ito pa ang naging daan upang manatili sila sa paglahok sa pambansa-demokratikong kilusan. Iniluwal ang kanilang sining sa piitang inakalang magpapatahimik ng kanilang rebolusyonaryong adhikain.
Maging ang mga sumunod na henerasyon ng mga nakilahok sa mga naunang sigwa’y ipinagpapatuloy ang diwa ng rebolusyonaryong pakikibaka. Walang pag-aatubili ang pananalita ni Vencer Crisostomo hinggil sa pagiging anak, hindi na lamang ng kanyang mga magulang, kundi ng mismong bayang kanya ngayong pinaglilingkuran. Magpapatuloy ang sining bilang daluyan ng testimonya ng mga bilanggong politikal tulad ng naranasan ni Axel Pinpin sa loob ng piitan kung saan ang sumagip sa kanya’y ang mga talinghagang binigkas ng kanyang tugmaang matatabil.
Inawit naman ni Jess Santiago na sa Pilipinas lamang nagaganap ang mga kakatwang pagbansag sa mga palayaw na tumuloy sa pagsuri sa bayang hindi naiwawaglit ang alaala ng karahasan at paglaban. Kaugnay nito ang testimonya ng tinaguriang Morong 43; mga manggagawang pangkalusugang pinaratangang miyembro ng New People’s Army na hinuli at tinortyur. Sa saliw ng makapangyarihang tinig ni Aki Merced, matagumpay na nailahad na hindi sila natinag na gamutin, hindi lamang ang mga maysakit sa kanayunan, kundi ang mismong kanser at nagnanaknak na sugat ng bayan.
Natapos ang produksyon na mataas ang moral, hindi lamang ng mga nagtanghal, kundi higit lalo, ng mga manonood. Sa huli, napatunayan na ang artista kapag pinagbabawalan lalong lumalaban, kapag ipinipiit, lalong naghihimagsik. At tulad nga ng sabi ng mga bilanggong politikal, maaaring makulong ang rebolusyonaryo, subalit hindi ang rebolusyon.
*Itinanghal sa UP Vinzon’s Hall, September 30, 2011
direksyon ni Donna Dacuno, direksyon sa musika ni Roselle Pineda at Divine Leano
sama-samang itinanghal ng Alay Sining, Karatula, Sinagbayan at People’s Chorale sa pakikipagtulungan ng NCCA, KARAPATAN at SELDA.
-------------------------
Mga Larawan ni Jo Santos
Hi. Correction lang po: Pinoyweekly.org hindi .com. Salamat sa pagrepost!
ReplyDelete