Tuesday, April 19, 2011
Unang Dalawang Tula: Para Kay Ericson Acosta ni Richard Gappi
Unang Dalawang Tula: Para Kay Ericson Acosta
I.
Paano tumukoy ng taong labas?
Una, kung may dala siyang
notebook o laptop habang nasa bundok.
Pangalawa, hindi siya marunong
magsalita ng dila ng mga taga-roon.
Pangatlo, lansihin ang madla
at sabihing mag-isa siyang nahuli
at may hawak na granada
(gayong kasama niya ang isang
opisyal ng barangay at mananaliksik siya
tungkol sa paglabag sa mga karapatang pantao).
Pang-apat, ang panigurado:
kantahin ang katutubong awit
na “Magtanim ay ‘Di Biro”
habang tulad ng bilis
ng kamay ng isang mahikero,
pataksil na isuksok
sa bulsa ang granada na ebidensya
sa jacket ng paparatangan ng
“ILLEGAL POSSESSION OF EXPLOSIVES”.
Kumpleto na ang sangkap
sa pagtukoy sa taong labas.
II.
Umuusok ang kalye at lansangan.
Kahit ang mga langgam,
umaangal sa sobrang init
at alinsangan. Ano kaya
kung ang mga nasa silong ng araw
ang nasa iyong kalagayan?
Sa iyong selda,
kung saan kayo nagsisiksikan,
katabi nyo ang pugon,
ang kusina kung saan
buong araw umuusok ang kalan
habang may nagluluto o nagpapakulo
ng tubig na pangkape at pampalambot sa noodles
na ipansasapin sa sikmurang kumakalam buong araw.
-Richard R. Gappi
9:41PM, Martes Santo, 19 Abril 2011
Angono 3/7 Poetry Society Inc.
Angono, Rizal, Pilipinas
(Ito ay unang bahagi pa lamang ng isang serye ng mga tula na isinusulat ni Richard Gappi para kay Ericson Acosta.)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment