Marami ang umasa na sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Noynoy Aquino ay maitutuwid na rin ang dating baluktot na daan na tinatahak ng maraming mga opisyal at sundalo ng Armed Forces of the Philippines.
Kung natigil man ang korapsyon dahil sa naging pagbubunyag ni dating Army Lt. Col. George Rabusa, mukhang hindi pa rin natitigil ang ilegal na gawain ng pagtatanim ng ebidensiya sa mga pinaghihinalaang miyembro ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army.
Ganito ang ginawa noon sa mga miyembro ng “Morong 43” na nakuhanan umano ng militar ng mga pampasabog at iba pang kagamitang pandigma gayung mga health workers ang mga ito na uma-attend lang ng seminar.
Pero dahil nga si Gng. Gloria Macapagal-Arroyo ang Pangulo noon ay nasampahan ng kasong kriminal ang “Morong 43” at hindi nakapagpiyansa dahil non-bailable ang illegal possession of firearms and explosives.
Matatandang sa ilalim din ng administrasyong Arroyo, dumami ang mga insidente ng extra-judicial killings at forced disappearances kung saan kabilang ang aktibistang si Jonas Burgos na anak ng yumaong press freedom icon na si Joe Burgos.
Kamakailan ay mayroon na namang nataniman ng ebidensiya ang 8th Infantry Division ng Philippine Army at ito ay isang pinaghihinalaang CPP-NPA Ericson Acosta na hinuli ng mga sundalo sa Barangay Bay-ang, bayan ng San Jorge sa lalawigan ng Samar.
Pebrero 13 nang masakote si Acosta ng mga elemento ng 34th Infantry Battalion sa pamumuno ng platoon leader na si 2nd Lt. Jacob Madarang.
Base sa naging affidavit ni Acosta, may mga kasama siyang mga residente ng Barangay Bay-ang nang may madaanan silang checkpoint at kaya siya napag-initan ay dahil may dala siyang laptop computer sa kanyang backpack.
Dahil sa kanyang laptop ay pinaghinalaan agad si Acosta na miyembro ng CPP-NPA at sinabing opisyal ng Instruction Bureau na nasa ilalim National Education Department ng CPP.
Nasamsam kay Acosta ang kanyang laptop na may complete accessories kabilang ang spare battery, external hard drive, USB dongle, isang cellular phone, anim na SIM cards at P4,800 cash.
Walang nakuhang granada o anumang pampasabog mula sa backpack ni Acosta kaya laking gulat na niya nang sampahan siya ng kasong illegal possession of firearms and explosives sa Branch 41 ng Regional Trial Court sa munisipalidad ng Gandara.
Sa kabila ng evidence planting kay Acosta ay patuloy itong nakapiit sa Gandara police station habang hinihintay ang pagdinig sa kanyang kaso.
Kilalang aktibista, makata at kompositor ng mga awitin si Acosta sa University of the Philippines kung saan siya naging cultural editor ng Philippine Collegian noong 1993. Naging miyembro rin ng Amnesty International si Acosta bukod pa sa pagiging stage actor sa UP.
Hindi nakakapagtaka kung hanggang ngayon ay dala pa rin ng 37-anyos na si Acosta ang idealismo at aktibismo na natutunan niya sa UP at mas pinili niya ang maging isang freelance journalist na nag-iimbestiga ng mga human rights violations sa Samar.
Naging interes din ni Acosta ang proteksyon ng kapaligiran kung kaya’t aktibo siyang tumutulong sa mga environmental groups gaya ng Alliance of Concerned Samareños (ACOS) at Kapununganhan Gudti nga Paragumaha Westehan Samar (KAPAWA).
Malaking kalapastanganan ang ginawa ng 8th Infantry Division sa karapatang pantao ni Acosta at dapat lamang na palayain siya dahil hindi naman kasalanan ang maging aktibista para sa human rights at environmental protection.
No comments:
Post a Comment