Congressman Rafael V. Mariano of Anakpawis Party-list mentions his visit to detained poet Ericson Acosta in his privilege speech yesterday, December 6, 2011, at the House of Representatives:
"From July 2010, ilegally arrested, detained and slapped with trumped-up charges were Elizar Nabas, member of the National Federation of Sugar Workers (NFSW) in Escalante, Negros, and Ericson Acosta, cultural worker and researcher of KMP-Western Visayas.
Ericson Acosta is currently detained at the Calbayog sub-regional (sic) jail. He was arrested February 13, 2011 while conducting human rights research on the situation of farmer victims of militarization for Kapunungan han Gudti nga Parag-uma ha Weste han Samar (KAPAWA – Small Peasants Association of Western Samar) and the Alliance of Concerned Samarenos (ACOS). He was levied with charges of illegal possession of explosives, was suspected to be a high-ranking official of the NPA, and was at illegally detained.
Mr. Speaker, I had the chance to visit Ericson Acosta in Calbayog City last month and I saw firsthand how military men have stationed around the jail compound; listening in to our conversations was a soldier armed with an M16 rifle. Last December 3, Acosta started to go on a hunger strike to demand his freedom."
"Mula Hulyo 2010, ilegal na inaresto, ikinulong at sinampahan ng mga gawa-gawang kaso si Elizar Nabas, kasapi ng National Federation of Sugar Workers (NFSW) sa Escalante, Negros, si Ericson Acosta, manggagawang pangkultura at researcher ng KMP-Western Visayas,
Nakapiit sa Calbayog Sub-regional Jail si Ericson Acosta. Hinuli siya noong Pebrero 13, 2011 habang nagsasagawa ng isang human rights research sa kalagayan ng mga magsasakang biktima ng militarisasyon para sa Kapunungan han Gudti nga Parag-uma ha Weste han Samar (KAPAWA – Small Peasants Association of Western Samar) at Alliance of Concerned Samarenos (ACOS). Sinampahan siya ng kasong ilegal possession of explosives, pinagbintangang isang high-ranking official umano ng NPA at ilegal na ikinulong.
G. Speaker, nagkaroon ako ng pagkakataong madalaw si Ericson Acosta sa Calbayog City nitong nakaraang buwan at nakita ko mismo kung paano pagkampuhan ng mga militar ang paligid ng jail compound at habang kami ay nag-uusap ay may nakikinig na sundalong may bitbit na M-16. Nitong Disyembre 3, sinimulan ni Acosta ang kanyang hunger strike upang igiit ang kanyang kalayaan."
Kalagayan ng Karapatang Pantao
sa ilalim ng gobyernong Aquino
Privilege Speech
Anakpawis Rep. Rafael V. Mariano
December 6, 2011, 4:30 p.m. (As delivered)
G. Speaker, mga kapwa ko Kinatawan, magpapahayag ako kaugnay sa kalagayan ng karapatang pantao ng mga magsasaka at iba pang sektor ng masang Anakpawis dahil sa Disyembre 10, ipagdiriwang ang Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao o ika 63-taon ng Universal Declaration of Human Rights Day.
G. Speaker, naging marahas at madugo para sa mga magsasaka ang nagdaang administrasyong Gloria Macapagal-Arroyo at hanggang sa ngayon, wala pa ring hustisya para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao – mga karapatang sibil, pulitikal, karapatan sa kabuhayan, panlipunan at pangkultura.
G. Speaker, nagaganap sa kanayunan ang mga pinakamalalalang kaso ng pang-aabuso at paglabag sa karapatang pantao dahil naroon ang pinakamalakas na paglaban ng mamamayan kontra sa kahirapan, kawalang hustisya at mapang-aping kaayusan ng lipunan.
Mula 2001 hanggang Disyembre 2010, mahigit sa isanlibo at dalawandaan (1,200) ang naisadokumentong kaso ng extra-judicial killings o pagpaslang, mahigit kalahati o limandaan at walumpu (580) sa bilang na ito ng mga pinaslang ay mga magsasaka. Isandaan at tatlumpu (133) dito ay mga lider, kasapi at tagasuporta ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), isang militanteng pambansang organisasyon ng mga magsasaka, kung saan ang inyong lingkod ang siya ring tumatayong Tagapangulo nito.
G. Speaker, samantala, ang bilang ng mga biktima ng enforced disappearances o sapilitang pagkawala ay umabot sa kabuuang dalawandaan at anim (206), at isandaan at tatlumput-isa (131) dito ay mga magsasaka, labinlima (15) sa kanila ay mga lider at kasapi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).
G. Speaker, mga kapwa ko Kinatawan, walang ipinag-iba ang sitwasyon ng karapatang pantao sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon sa nakaraang rekord ng malalang pag-abuso sa karapatang pantao sa ilalim ng rehimen noon ni Gloria Macapagal-Arroyo.
Kagalang-galang na Speaker, ayon sa pinakahuling ulat ng KARAPATAN o Alliance for the Advancement of Peoples Rights sa kanilang 2011 Human Rights Report nito, mula Hulyo 2010 hanggang Oktubre ngayon taon, mayroong animnapu't-apat (64) na biktima ng extra judicial killings at siyam (9) na biktima ng enforced disappearances. Tinatayang isa kada linggo ang naging biktima ng pagpaslang.
Sa bilang na ito, halos apatnapung (40) porsyento o pinakamarami ang bilang ng mga magsasakang pinaslang at biktima ng sapilitang pagkawala. Sa loob ng labing-anim na buwan mula nang maupo sa pwesto si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III, may dalawamput-walong (28) magsasaka na ang pinaslang ng mga pinaghihinalaang elemento ng militar. Sumunod sa bilang ng mga pinakamaraming pinaslang ang mga katutubo na ang pangunahing ikinabubuhay rin ay pagsasaka o iba pang produktibong aktibidad nila.
G. Speaker, pinakahuling biktima ay si Boboy Pajanustan, isang magsasaka at kasapi ng Anakpawis Partylist mula sa Brgy. San Miguel, Las Navas, Northern Samar na pinaslang noong Nobyembre 25, 2011.
Ilan pa sa mga biktima sina Rudy at Rudyric Dejos, mag-amang magsasaka mula sa Davao del Sur na kasapi ng Zone 1 Farmers Association, affiliate ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, si Santos Manrique, kasapi ng Anakpawis at lider magsasaka na aktibong tumututol sa pagpasok ng mga dayuhang minahan sa Pantukan, Compostela Valley. Pinaslang siya sa harap ng kanyang asawa at anim na taong gulang na apo. Si Ramon Batoy ay isang lider magsasaka sa Arakan Valley na pinaslang ilang araw matapos ring patayin ng mga di pa nakikilalang salarin si Fr. Fausto ‘Pops’ Tentorio na coordinator ng Rural Missionaries of the Philippines o RMP na aktibong tagasuporta rin ng mga magsasaka at lumad sa South Cotabato.
Mr. Speaker, mga kapwa ko Kinatawan, nitong Nobyembre 18, 2011, tinanggang dukutin ng mga elemento ng 703rd at 704th Combat Group ng Philippine Air Force si Isabelo Alicaya, lider ng Haligi ng Batanguenong Anakdagat (HABAGAT). Habang ang mga mangingisda at magsasaka sa Aurora na tumututol sa Aurora Pacific Economic Zone and Free Port Authority (APECO) ay nakakaranas din ng pandarahas ng mga elemento ng 48th Infantry Battalion, Bravo Company.
G. Speaker, sa mahabang talaan ng mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng gobyernong Aquino, matingkad ang mga kaso ng pagtortyur, sapilitang pag-aresto, ilegal na pagkulong, walang pakundangang pamamaril, sapilitang pagpapalikas sa mga komunidad sa kanayunan, demolisyon sa mga maralita at pagbabawal sa mga protesta at welga.
Maraming kaso ng pagtortyur at harasment sa mga magsasaka na pinaghihinalaang kasapi ng New Peoples Army (NPA) ang nagaganap sa mga operasyon ng militar sa kanayunan ngunit hindi naibabalita. Patuloy rin ang panggigipit sa mga magsasaka lalo na sa mga lugar na may agrarian dispute o sigalot sa lupa. Gaya ng mga kaso sa mga sumusunod:
- Sa Central Mindanao University, pinaulanan ng bala ang mga magsasakang kasapi ng BUFFALO, LIMUS at TAMARAW na nagtayo ng kampuhan upang igiit ang kanilang karapatan sa lupa. Tatlong magsasaka ang malubhang nasugatan sa insidente.
- Sa Aloguinsan, Cebu, binuwag ang kampuhan ng mga kasapi ng San Roque Farmers Association at ilegal na ikinulong ang may 39 magsasaka at kanilang mga tagasuporta. Pinalaya sila makaraang magpyansa noong Setyembre 2, 2011.
- Sa Guimba, Nueva Ecija, inaresto at ikinulong si Florentino Pagatpatan, kasapi ng MAMBAYU nang magsaka siya sa lupaing inaangkin ng Listasaka na binuo ng Department of Agrarian Reform.
- Sa Hacienda Luisita, sa mismong asyenda ng mga kaanak ni Pangulong Aquino, matindi ang militarisasyon sa mga barangay laluna sa Bgy. Balete kung saan nakatira ang mga aktibong lider at kasapi ng AMBALA at ULWU. Nitong Setyembre 2011, sinampahan ng “Occupation of Real Property and Grave Coercion” sina Lito Bais at dalawampung (20) iba pang lider magsasaka at manggagawang bukid sa Hacienda Luisita.
- Sa South Cotabato, patuloy ang militarisasyon sa erya ng Dole Philippines at sa mga plantasyon ng sagingan.
G. Speaker, marami pang porma ng pang-aabuso ang sinasabing ginagawa ng mga elemento ng militar sa kanayunan. Kabilang dito ang pagsesensus, paglulunsad ng mga “peace and development forum” kung saan pinagbibintangan ang mga magsasaka na kasapi o kaya'y tagasuporta ng NPA.
May mga programa rin ang gobyerno, partikular ang militar na nagpapasahol pa sa pang-aabuso sa mga karapatang pantao ng mamamayan. Nariyan ang Oplan Bayanihan na nakapadron sa Counter Insurgency Guide of 2009 ng Estados Unidos. Kung saan nagtapos ang Oplan Bantay Laya 1 at 2 ng nagdaang administrasyong Arroyo, doon naman nagpatuloy ang Oplan Bayanihan ni Pangulong Aquino.
Sa ilalim ng Oplan Bayanihan, ang mga mamamayan at sektor na kumikilos upang ilantad at labanan ang mga di-makamamamayang programa ng gobyerno at dayuhan ang siyang target ng 'neutralization' ng militar. Kinukumbina ng Oplan Bayanihan ang mga operasyong pang-kombat at mga aksyong sosyo-sibiko. Nariyan din ang paggamit sa mga grupong para-militar gaya ng CAFGU at RPA-ABB upang dahasin ang mga magsasaka at katutubo.
G. Speaker, mga kapwa ko Kinatawan, kasabay ng matinding militarisasyon sa kanayunan, ipinapatupad ang mga mapanlinlang na programa gaya ng “Payapa at Masaganang Pamayanan Program” o PAMANA na ginagamit ng gobyerno bilang pantugon umano sa ugat ng krisis at suliranin sa kapayapaan. Mismong ang Department of Agrarian Reform (DAR) ang naglaan ng pondong P17.623 milyon para sa mga ‘areas of conflict’ sa North Cotabato, Compostela Valley at Western Samar – mga lugar kung saan may mga malalaking kaso ng sigalot sa lupa dahil sa malawakang pangangamkam, land-use conversion at iba pang usapin ng mga magsasaka.
G. Speaker, mga kapwa ko Kinatawan, bagamat, nagbubulag-bulagan at itinatanggi ng Malakanyang ang pagkakaroon ng mga bilanggong pulitikal sa Pilipinas, patuloy na dumarami ang bilang ng mga nakukulong dahil sa kanilang pampulitikang gawain, paniniwala at aspirasyon.
Sa ngayon, mayroong mahigit tatlong daan at limampu't-anim (356) na bilanggong pulitikal sa bansa, pitumpu't walo (78) dito ang inaresto sa panahon ni P-Noy. May 35 dito ay mga kababaihan at 13 ay mga konsultant sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GPH) at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Mula Hulyo 2010, ilegal na inaresto, ikinulong at sinampahan ng mga gawa-gawang kaso si Elizar Nabas, kasapi ng National Federation of Sugar Workers (NFSW) sa Escalante, Negros, si Ericson Acosta, manggagawang pangkultura at researcher ng KMP-Western Visayas,
Nakapiit sa Calbayog Sub-regional Jail si Ericson Acosta. Hinuli siya noong Pebrero 13, 2011 habang nagsasagawa ng isang human rights research sa kalagayan ng mga magsasakang biktima ng militarisasyon para sa Kapunungan han Gudti nga Parag-uma ha Weste han Samar (KAPAWA – Small Peasants Association of Western Samar) at Alliance of Concerned Samarenos (ACOS). Sinampahan siya ng kasong ilegal possession of explosives, pinagbintangang isang high-ranking official umano ng NPA at ilegal na ikinulong.
G. Speaker, nagkaroon ako ng pagkakataong madalaw si Ericson Acosta sa Calbayog City nitong nakaraang buwan at nakita ko mismo kung paano pagkampuhan ng mga militar ang paligid ng jail compound at habang kami ay nag-uusap ay may nakikinig na sundalong may bitbit na M-16. Nitong Disyembre 3, sinimulan ni Acosta ang kanyang hunger strike upang igiit ang kanyang kalayaan.
Samantala, G. Speaker, mga kapwa ko Kinatawan, sina Felicidad Caparal, staff ng Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura (UMA), at mga aktibistang sina Maritess Cosinas at Roque Dujenas ay ilang taon nang nakapiit sa Northern Samar Provincial Jail sa idinagang kasong double murder at attempted murder na isinampa ng 20th Infantry Battalion ng Philippine Army. Matagal nang napawalang sala ang pangunahing akusado sa nasabing kaso subalit patuloy pa rin silang nakakulong nang walang sapat na ebidensya.
G. Speaker, mga kapwa ko Kinatawan, nananatiling nakakakulong si Dario Tomada, tagapangulo ng Samahan han Gudti nga Parag-uma ha Sinirangan Bisayas-SAGUPA-Eastern Visayas. Dahil sa mga banta sa kanyang buhay at sa kanyang pamilya, umalis sa Leyte si Dario Tomada at nagtrabaho dito sa Luzon subalit noong Hulyo 22, 2010, hinuli siya ng mga hinihinalang elemento ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) sa gawa-gawang kasong 15 counts of murder na naganap daw sa Leyte noong 1984. Nakakulong pa rin ang Lumban 3 na sina Darwin Liwag, lider ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK) kasama sina Rey Malaborbor at Aries Suazo. Nakapiit pa rin sa Batangas ang Talisay 3 na sina Charity Dino, Billy Batrina at Sonny Rogelio, mga organisador ng Samahan ng mga Mangingisda sa Batangas (SAMBAT). Nakakulong pa rin ang Antipolo 4, Cadiz 4, Quirante 2, Guihulngan 2 at Buenavista 5 at marami pang mga magsasakang bilanggong pulitikal.
Iginigiit ng Kinatawang ito, G. Speaker, ang pangangailangang kagyat na mabigyan ng General, Unconditional at Omnibus Amnesty o agarang pagpapalaya ang lahat ng bilanggo at detenidong pulitikal.
G. Speaker, mga kapwa ko Kinatawan, ilan lamang ito sa mga malalalang kaso ng paglabag sa karapatang pantao.
Maging ang iba pang sektor ng Anakpawis ay nakakaranas ng panunupil at panggigipit. Maraming mga manggagawa rin ang biktima ng extra-judicial killings, harassment, ilegal na pag-aresto at pagkulong. Patuloy ang pag-kriminalisa sa mga sigalot sa paggawa o labor dispute lalo na sa mga lider unyon at manggagawang lumalaban sa mga unfair labor practices na isinasagawa ng kanilang mga employer.
Sa labing anim na buwan ng administrasyong Aquino, naganap ang mga pinakamararahas na pagbuwag sa komunidad ng maralita – sa Barangay San Roque sa Quezon City, sa Laperal Compound sa Makati, sa Barangay Corazon de Jesus sa San Juan City, sa Sitio San Fatima sa Paranaque City, sa Buhangin District sa Davao City at kamakailan lang sa BIR Road na sakop ng North Triangle sa Quezon City.
G. Speaker, mga kapwa ko Kinatawan, marami nang resolusyon ang inyong lingkod na inihapag sa House Committee on Human Rights kaugnay sa imbestigasyon sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa hanay ng mga magsasaka, subalit hanggang ngayon, matatapos na po ang taon, wala pa rin ni isa ang nadidinig.
Higit sa lahat G. Speaker, wala pa ring katarungan sa mga biktima ng Mendiola at Hacienda Luisita Masaker na direktang nauugnay sa pamilya ni Pangulong Aquino -- sa pamilyang Cojuangco-Aquino. Sa halip na bigyang katarungan ang pagkamatay ng mga magsasakang nakipaglaban para sa kanilang karapatan sa lupa, pinipigilan pa ng mga Cojuangco-Aquino ang libreng pamamahagi ng lupa sa mga manggagawa at manggagawang bukid sa Hacienda Luisita.
Sa Disyembre 10, 2011, muling dadagsa sa mga lansangan ang mamamayan at tagapagtaguyod ng karapatang pantao upang igiit ang katarungan, pagwawakas sa kawalang pagpapanagot o impunity, ang pagkakamit ng tunay at pangmatagalang kapayapaan sa ating bayan sa pamamagitan ng pagreresolba at pagpawi sa mga ugat ng suliranin at kawalang kapanatagan sa ating lipunan.
Igalang at itaguyod ang karapatang pantao!
Maraming salamat at magandang hapon. ###
No comments:
Post a Comment