Anna Leah Escresa-Colina, current executive director of the Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER, Inc.) and once candidate for chairperson of the STAND-UP in the UP Diliman Student Council Elections, recounts student campaigns against the commercialization of UP and other state colleges and universities during the 90s in this birthday letter to Ericson Acosta.
Ericson wrote fiery statements, popularized songs, and coined slogans for Alay Sining, STAND-UP and the broad anti-commercialization alliance UMAKSYON (Ugnayan ng mga Mag-aaral laban sa Komersyalisasyon). STAND-UP, UMAKSYON, the LFS and other youth mass organizations led thousands of students in the fight for greater state subsidy for education in massive system-wide and sectoral mobilizations during the '90s.
Strike against budget cuts!
May 27, 2011
Batch!
Hindi ko maalala kung nag-celebrate tayo ng birthday mo dati noong magkakasama pa tayo sa peyups. Hindi ko maalala kung kahit sa simpleng pagsalu-salo ng fishball o kahit sa isang litrong coke lang ay nagdiwang tayo para sa iyong birthday. O kaya kung nagpunta kami sa inyo at nagluto ng pansit si Nay Waway para sa iyong berdey. Sorry, batch. Wala talaga akong maalala. Masyado yata tayong seryoso noong mga panahon na mga aktibista tayo sa peyups at wala akong maalalang gimik natin o inuman. Seryoso nga. Ang O.A. kasi natin noong panahon na iyon, ang GND. Basta't ang naaalala ko lang na katuwaan natin tuwing prodwork o kaya ay pagkatapos ng matitinding mga kampanya o rally, sa gabi ay jamming session na sa Vinzon's lobby. Tatambay lang tayo sa Vinzon's lobby at open jamming na ninyo nila Nato, Lenlen, Babes, Roselle, Birung at iba pang mga taga Alay Sining. Solb na tayo dun. Sapat na para pawiin ng mga awiting nilikha ninyo ang pagod sa maghapon, tapusin ang gabi at pagtibayin ang ating mga diwa para sa susunod na mga bukas na haharapin.
Sa pagbabalik tanaw, malaking bagay ang mga jamming na iyon para sa mga bagong sibol na aktibistang katulad natin noong panahong iyon (early 90's). Dahil tayo ay mga aktibistang isinilang sa panahong ang buong people's movement, kasama na ang student movement ay humaharap sa matinding hamon ng pagwawasto mula sa mga kamaliang dulot ng nakaraang dekada. Kilusang pag-aaral ang panawagan noon: mag-aral, maglingkod at makisalamuha sa batayang masa. Kaya ang mga jamming at paglikha ng mga bagong progresibong awitin ng Alay Sining ay napakalaking ambag para sa pagpapatibay at pagpapanday ng prinsipyo at komitment ng paglilingkod sa bayan.
Marami nang mga kaibigan ang nagsulat tungkol sa iyo, karamihan sa mga naisulat ay kung gaano ka kahusay bilang manunulat, makata, at manggagawang pangkultura, pati na ang mga kuwento tungkol sa iyong kakulitan at mga adventures noong bohemian lifestyle ka pa, bago maging aktibista. Kahit kagabi sa matagumpay na fund raising activity para sa iyong legal defense ay panaka-nakang mauulit ang mga kuwento ng iyong kakulitan. Ang sabi ko sa sarili ko, “Mayroong kulang dito. Wala pang nakakapagkuwento kung gaano kaseryoso si Eric sa kanyang trabaho, sa kanyang komitment bilang aktibista. Dapat may magsulat nito!” Kaya eto, hindi man ako manunulat, pipilitin kong maikuwento ang seryosong bahagi ni Ericson Acosta sa paggampan ng gawain at sa pagpapanday sa sarili bilang aktibistang naglilingkod sa bayan.
Kagabi, sa matagumpay na fund raising event para sa iyong legal defense fund, habang nag-aasikaso ng mga bisita at kaibigan na dumating at nanonood sa mga tugtugan, may mga panaka-nakang mga magagandang alaalang bumabalik sa akin noong nasa peyups pa tayo.
Sa pagkakatanda ko, mas naging mahigpit ang ating pagiging magkasama at magkaibigan noong magkasama tayo para tumutok sa alliance work noong 1997, habang ikaw ang chairperson ng STAND UP at ako naman ang nakatutok sa pagbubuo natin ng Ugnayan ng mga Mag-aaral Laban sa Komersyalisasyon (UMAKSYON). Naalala ko marami kang itinuro sa akin. Ikaw ang nagturo sa akin gumamit ng Pagemaker at mag-lay out. Sama-sama rin nating inaral at sinuri ang UP Plan 2008 at ang CPDP (Commonwealth Property Development Project) at nagbuo ng komprehensibong kampanya para labanan at tutulan ang planong pagpapatayo ng DiliMall sa UP Commonwealth Property (na ngayon ay kinalalagyan ng UP Technohub). Sa igting ng laban sa komersyalisasyon, nilikha ninyo ang awiting “Komersyalisasyon.” Dinebate natin ang mga argumento na wasto lang ang komersyalisasyon ng idle assets ng pamantasan para matugunan ang kakulangan sa budget. Malusog ang debate. Wala tayong pinalampas na argumento.
At noong panahon ng USC elections ng 1997, isa ka sa mga kasamang nangumbinsi sa akin na tumakbo bilang USC Chairperson ng STAND UP kahit na ayaw na ayaw ko talaga. (Kasalanan talaga ito ni Dennis Longid na hindi pumayag na maging Chairperson noon.) Kahit sa tingin ko ay pinahinog sa pilit ang pagiging mass leader ko, napilitan na ring tanggapin dahil tila wala na ngang ibang opsyon dahil iilang piraso pa lamang tayo noon. Pumayag na din ako, dahil naniniwalang nasa kolektibong lakas natin at tamang prinsipyo ang paghuhugutan ko ng lakas. Laban kung laban. Na-appreciate ko kung paano ka tumulong sa pagtutok para mabilisan ang pag-debelop sa akin bilang chair. Kung paano umikot sa mga organisasyon para hikayatin silang maging bahagi ng UMAKSYON at labanan ang CPDP, kung paano magpatalas ng pagsagot sa bawat tanong na ibabato sa mga dorm assemblies at room-to-room, kung paano harapin si FVR at harangan sa UP Manila para ipaabot ang pagtutol sa CPDP.
Pinasikat mo rin ako dahil sa iyong artikulong “No Mall, No Lease” na lumabas sa opinion page ng Inquirer noong June 1997, artikulo iyon ng UMAKSYON pero dahil ako ang convenor noon kaya sa akin nakapangalan ang artikulo. Napasaya mo ang nanay ko dahil doon at hanggang ngayon ay tago-tago pa rin nya ang issue ng Inquirer na iyon. Paborito ko rin ang sinulat mo na speech na ginamit ko para sa Miting de Avance sa UP Film Center. Bilingual ang talumpati, may talatang Filipino at may talatang English. May mga nakalakip pang chants sa speech (No Mall! No Lease! No to Tuition Fee Increase!), kaya may participation ang mga mag-aaral na nanonood. Ang ganda talaga nung speech na iyon. Sayang at wala nang nakapagtago ng kopya. Matagumpay talaga ang eleksyon na iyon. Nakuha natin ang saktong linya, gawain sa pagpapalawak at alyansa at na-engage talaga ang mga mag-aaral na pumusisyon at kumilos laban sa CPDP. Maraming malikhaing porma ng paglaban ang ginawa natin. Hindi man ako nanalo bilang chair, nakuha naman ng STAND UP ang no. 1 councilor, si Satria Candao. Panalo pa rin tayo sa eleksyong iyon.
Naaalala ko rin naman ang mga kuwento mo tungkol sa mga adventures mo dati bago ka maging aktibista, noong nasa Baguio ka at naubusan ng pera pang pamasahe mo pabalik ng Maynila ay nagpanggap kang Koreano at pumunta sa simbahan at humingi ng tulong mula sa mga madre. Siyempre magaling kang artista at napaniwala mo sila sa iyong Korean English. Sinabi mo nga, kung gaano ka-lumpen ang lifestyle mo dati, iinom hanggang malasing at makatulog kung saang bar. Noong magkasama tayo sa peyups, hindi ko na nasaksihan ang ganitong Ericson. Kaya nga, ikaw ang perfect example kapag nagtuturo ng pag-aaral ng 'remoulding' ng mga aktibista. Mapagkumbaba ang pakikitungo mo sa mga kasama, wala na ang arogansyang intelektwal na naikuwento mo sa iyong prison diaries noong bago ka naging aktibista. May pasensyang makinig sa mga problema ng mga kasama anuman ang mga ito at nagbibigay ng makabuluhang payo. Sinabi ko rin ba na mahusay kang edukador? Kaya naman alam kong nag-eenjoy ang mga kakosa mo diyan tuwing may talakayan kayo.
At siyempre pa, pati sa lablayf namin ay may malaki kang eksena. Naging saksi ka sa unti-unting paghabi ng kuwento ng aming pag-iibigan ni Jack. Binuking mo kami sa isa't isa. Tsk. Tsk. Kaya nga ikaw ang aming best man sa kasal!
Marami pa akong gustong ikuwento, Batch, kaya lang ang hirap isulat. Mga magagandang alaala kung paano tayo naging magka-batch sa pagpapanday ng matibay na pundasyon ng aktibismo habang nasa loob ng pamantasan- matibay na pundasyon para sa pinili nating buhay. Mabuti na lang din at late bloomer ka na naging aktibista, dahil diyan naging batch tayo. Naging mas masaya, at makulay ang pagpapanday ng ating buhay upang maging mga aktibistang maglilingkod sa bayan.
Muli, happy birthday, batch! Mag-aabang kami rito ng bagong kuwento kung paano ka nag-bertdey diyan kasama ang mga kakosa.
AL
No comments:
Post a Comment