Wednesday, July 13, 2011

Donat, Ditto, Dingbat

Si Donato Continente, Kule istap, aktibista, at bilanggong pulitikal, sa kanyang paglaya noong 2005.

(Unang nalathala ang akdang ito sa isyu 5 ng Philippine Collegian noong 12 Hulyo 2011.)


Hindi namin siya inabutan sa Kule. Noong ’80s, naging bahagi siya ng dyaryo hindi bilang manunulat o editor kundi bilang suporta sa istap. Pero isang araw noong 1999, hindi lang isang manunulat kundi ilang myembro ng istap at mga editor ng Kule ang sabay-sabay na bumisita sa kanya sa maximum security ng Bilibid.

Hindi biro ang ibinintang sa aktibistang si Donato Continente — ang pagpatay sa isang mataaas na ranggong opisyal-miltar ng US, si Col. James Rowe. Bagamat inako ng NPA ang pagpatay, hindi roon nagtapos ang pahirap kay Donat. Dalawang buwan siyang tinortyur para paaminin, at dahil sa presyur ng militar ay namatay ang nakababata niyang kapatid.

Si Donato Continente na nga marahil ang isa sa pinakatampok na bilanggong pulitikal sa bansa sa nakaraang dekada. Pinalaya siya noong 2005, matapos ang 16 taong pagkabilanggo. Nang tanungin siya kung babalik pa ba siya sa pagkilos bilang isang aktibista, ang sagot niya ay hindi, dahil wala naman daw siyang babalikan. Para sa kanya, kahit nabilanggo ay hindi naman siya lumisan.



* * *
“Kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos? Kung hindi ngayon, kailan pa?”

Ito ang tatak ng militanteng tradisyon ng UP – mga katagang mula kay Abraham “Ditto” Sarmiento, Jr. Paalala ito kung bakit kakambal ng radikal na tradisyon ng unibersidad ang talas at kapangahasan ng mga artikulo at dibuho na nailalathala sa Kule. Hindi ito malilimot.

Kahit ‘di pa man buhay sa panahon ng First Quarter Storm at Diliman Commune, sa kaunting baliktanaw ay magagagap kung gaano kalupit ang panggigipit sa kalayaan sa pamamahayag sa buong bansa noong mga panahong iyon. Sa isang simposyum noong Enero 15, 1976, binasa ni Ditto ang isang editoryal na tumutuligsa sa diktadurang Marcos. Matapos ang ilang araw, inaresto at ikinulong si Ditto.

Pitong buwang nabilanggo si Ditto. Pero matapos lang ang ilang panahon sa laya ay ginupo siya ng mga komplikasyon sa hika na nakuha niya dahil sa pagkakait sa kanya ng medikasyon sa piitan. Maaga siyang namatay dahil sa mga komplikasyong iyon.

* * *

Hindi ko na rin inabot, pero Dingbat daw ang palayaw noon ni Ericson Acosta sa Kule. Noong probee ako ay hindi na siya ang babakla-baklang lasenggong editor na palaging sumusuka sa opisina. Isa na siya noong “seryoso pero rock” na aktibistang haligi ng Alay Sining at STAND-UP.

Limang buwan nang nakapiit si Dingbat – isa lang siya sa mahigit 300 bilanggong pulitikal sa buong Pilipinas sa kasalukuyan. Sa ngayon, nananatiling walang pormal na kasong nakahapag laban sa kanya, at patuloy ang kampanya para sa agaran niyang paglaya, sampu ng iba pang mga detenidong pulitikal na sinisikil ang karapatan at pinagkakaitan ng hustisya.

Hindi na ako magpapalawig pa kung sino si Dingbat, marami nang naisulat ukol sa kanya nitong mga huling buwan. Mangyari’y ganito na lang — para sa mga kapwa-manunulat ko sa Kule at sa lahat ng nagtatanggol sa karapatan at kalayaang sibil, aktibista man o hindi:

Huwag na tayong maghintay ng sampung taon. Dalawin na natin siya ngayon.


*Si Sarah Katrina Maramag ay dating feature staffer (1999-2001) at guest editor (2004-2005) ng Kule. Dati rin siyang secretary-general ng Alay Sining (2000-2001), pangkulturang organisasyong itinayo nina Acosta at iba pang mga aktibista sa UP. Kasalukuyan siyang public information officer at campaign coordinator ng Migrante International at isa sa mga convenor ng Free Ericson Acosta Campaign.

No comments:

Post a Comment