Wednesday, June 15, 2011

Pagbisita kay Ericson (Mayo 28, 2011)*

by Cristina Guevarra


Mayo 28, 2011 – Alas-5 ng umaga, nakagayak na kami para bumyahe galing ng Tacloban City. Dalawang araw ding naantala ang biyaheng iyon. Gaya ng organizers ng Acosta Universe benefit concert (noong Mayo 26), nakaabang din kami sa updates ng bagyong Chedeng (kung bakit ba naman kapangalan pa ng sasakyan ang hahadlang sa aming paglalakbay). Blow-by-blow account iyon ng balita: Landfall ng Biyernes, nakataas na ang signals sa Bicol region at Eastern Visayas. Sarado ang pier. May 5,000 pasahero ang stranded.

Halos tatlong araw kaming naghintay, pero hindi nawala ang pagkasabik sa pagdalaw. Sa wakas, ika-27 ng umaga: bukas na ang pier at maaari na kaming bumiyahe pa-Maynila via Samar, Kabikulan at Timog Katagalugan.

Pero bago umuwi, isang mahalagang destinasyon muna – ang Calbayog Sub-provincial Jail sa Western Samar.

May limang oras din ang itinakbo ng mini bus na sinakyan namin, kasama na ang oras ng pagtigil kapag may bumababa o sumasakay, at isang stopover. Mas madalas ay tulog kami. Naaalimpungatan lang kami kapag may pumapara o kung may magandang tanawin at manggigising ang isa sa amin, gaya nang dumaan kami sa tulay ng San Juanico. Nagising din kami nang maraming magbabaan sa bayan ng Calbiga. Piyesta yata doon, at may mga mala-scarecrow na nakatindig sa daan. Ang isa sa kanila, naka-bihis ng uniporme ng sundalo, at may nameplate na masking tape na ang nakasulat: Palparan.

Sa stopover, pinag-uusapan naming bumili ng cake – pambawi sa di natuloy na engrandeng plano naming dumalaw sa araw mismo ng kanyang kaarawan. Ni hindi na nga rin kami nakapaghanda ng mga pangkulturang pagtatanghal. Hindi bale, ang importante’y ang mismong dalaw.

Matapos ang limang oras, nakarating na kami sa bayan ng Calbayog, tanghaling tapat. Nakipagkita muna kami sa staff ng Karapatan na maghahatid sa amin papuntang detention center. Doon ko lang nakilala nang personal ang magulang ni Ericson (makikitawag na rin ako ng Tiya Waway at Tiyo Sayas, sabi ko sa kanila), na dumalaw na sa araw mismo ng birthday niya (Mayo 27). Isa-isa kaming nagpakilala, pero ang kolektibong tawag nila sa amin ay “mga bata.”

Doon na po kami manananghalian kasalo niya, paalam namin sa kanila. Nagsabi kaming bibili na lang kami ng litson manok dahil may kanin naman kaming dala. Lumabas si Tiyo Sayas at dali-daling bumili ng maraming de lata. Naunsyami na ang cake, di na natuloy ang planong practice para sa cultural presentations, di na rin namin tinuloy na bumili ng manok.

Ang mahalaga pa rin ay ang dalaw.

Sa baybayin

Habang sakay ng tricycle papunta sa kulungan, tinatanaw ko ang katubigan sa Western Samar. Ang ibig sabihin nga pala ng Acosta ay “sa baybayin.” Pagdating namin doon, tama ang sabi ng mga nakadalaw na – hindi mukhang kulungan ang Calbayog Sub-provincial jail. Mukha lang itong warehouse na may maliit na compound. Pagpasok sa gate, may maliit na kubo, yaong kagaya ng mga cottage sa beach, kung saan nakatambay ang mga warden at gwardyang pawang di naka-uniform. Tuluy-tuloy lang kaming pumasok.

Sa pintuan ng “warehouse,” pinasulat kami sa logbook, eto lang yata ang SOP na sinusunod nila sa mga dumadalaw. Ewan ko kung dahil puro maliliit ang mga kasama ko, kalakhan ay babae at bata ang itsura – tinanong lang nila kami kung may dala ba kaming cellphone, at mabilis din naman kaming sumagot na “wala” para wala nang hassle. Sa dingding sa gawing kanan ng mesa, nakapaskil ang mga litrato ng inmates. Akala mo faculty directory sa eskwela o employee chart sa mga kumpanya. Wala pang litrato doon ang dadalawin naming bilanggo.

May mahabang pasilyo ang kulungan, kung saan ang pinakaunang kwarto ay ang visiting area na nagsisilbi ring chapel kapag may misa o anumang religious activity. Naghuhumiyaw na nakapinta sa dingding ang “Seek first the kingdom of God,” katabi ng ilang litrato ng mga poon. Kasunod ng pinto ng visiting area, ay ang pinto ng bawat selda. Sa bukana lang ng pasilyo, may maliit na sari-sari store na sideline daw ng mga warden doon.

Sa pasilyo na natatamaan ng kaunting liwanag, tinatanaw kami ng mga preso mula sa kinatatayuan nila sa pasilyo. Ang iba namang dadaan sa pintuan palabas ay nagpapasintabi at bumabati ng magandang hapon. Takaw-atensyon talaga ang maraming dalaw, lalo na marami raw sa kanila ay kung hindi man wala talaga, ay napakatagal na ng huling dalaw ng mga kaanak. Isang dahilan na ay malayo ang kulungan sa kanila. Karamihan din daw sa kanila ay karaniwang kasong kriminal ang nakasampa (drugs, theft, homicide at iba pa), kung saan humigit kumulang kalahati ay hindi pa nababasahan ng sentensya pero nananatiling nakakulong dahil napakabagal ng usad ng kaso. Si Ericson lang ang bilanggong pulitikal doon, mag-aapat na buwan na sa Hunyo 16.

Ilang saglit pa, lumabas na si Ericson. Siya nga – ang matangkad, payat na halos hukot ang balikat, maputi pa rin. Tiningnan ako ng mga kasama ko na para bang nagtatanong kung siya ba, siya na ba. Nakangiti siyang lumapit sa amin. Nakumbinsi sila nang sinabi niya sa aking “Uy!” sabay nag-abot ng kamay.

“Huwag muna kayong aalis”

Pumasok na kami sa loob ng visiting area. Nagpasok sila ng dalawang mahabang bangko para maupuan. Nakailang labas-masok pa si Ericson sa visiting area. Noong una, nagdala ng libro. Lumabas ulit. Pagbalik ay naghahanap ng yosi. Napansin niya yatang nakaupo na kaming lahat at naghihintay na sa kanya. “Huwag muna kayong aalis ha?” ang sabi niya.

Sa wakas, nakaupo na ang lahat. “Kumusta?” ang una niyang tanong, na may kasamang nahihiyang ngiti at tawa. Nagpakilala sila isa-isa, samantalang ako naman ay nag-update na nasa human rights organization na, sabay paabot ng pangungumusta sa mga taong kasama ko na kilala o nakilala na niya, tulad ng dalawang huling dumalaw sa kanya. Ani Ericson, ang mga huling dumalaw pa sa kanya ang nagpaliwanag kung bakit ako tinatawag sa palayaw ko ngayon.

Kunsabagay, mahigit isang dekada na rin mula nang mag-abot kami sa UP. Itinama pa nga niya ako –hindi raw siya guest editor ng Collegian term namin (1999-2000). Siya raw ay paminsan-minsang contributor na lang. Kunsabagay, para sa akin lang naman lahat sila ay mga kuya at ate ko noon.

Flashback ang matingkad na imahe ng isang buhay at maingay na Vinzons lobby (at second floor, third floor, fourth floor o kung saanman mag-umpukan ang mga aktibista) – may nagkakantahan ng tinaguriang “Alay Sining songs,” may nagtatalakayan, may nagpupulong, may nagyoyosi, may naghihintay ng kakausapin (di pa uso noon ang pangungulit sa kausap sa text, o ang wer n u?). Sa ganoong mga eksena ko nakilala si “Kuya” Ericson. Hindi ko na matandaan kung pormal kaming naipakilala noon sa isa’t isa basta sa lobby at sa Kule, nagkikita kami. Iyong mukhang Intsik na nag-iingles.

Binuksan na namin ang mga de lata at baong kanin. Sige lang siya sa yosi habang kumakain kami. Tuloy ang pagbanggit ko sa pangalan ng mga taong pamilyar sa kanya. “Marami daw pumunta sa benefit concert, puno daw ang venue,” ibinalita ika ko ng mga nasa Maynila. “Talaga?” ngumiti siya, “kaso wala ako doon.”

Ngumiti na lang din ako nang di makaisip ng isasagot. Di ko alam kung nagbibiro lang siya o sadyang nagparamdam ng pagkapanglaw sa kanyang pagkakapiit.

Late bloomer

Late bloomer daw siyang aktibista. 1989 ang student number niya (kasabay niyang pumasok ang Eraserheads, habol ko) pero mga 1993 o 1994 na siya maoorganisa. Nagtrabaho pa raw kasi siya sa mainstream media. May mukhang nagtataka ang mga kasama ko, lalo na karamihan sa amin first year pa lang yata ay exposed na sa aktibismo. “May sakit kasi ako noon,” paliwanag niya, “petty-b (bourgeois) arrogance.”

Kumusta siya nang kumusta sa naging gawain namin, ngiti lang kami. Sa loob-loob namin ay mas gusto kasi naming siya ang magkwento. Sige lang siya ng yosi, at umarangkada na ng kwento. Doon daw, may rasyon lang silang bulad (tuyong isda) at bigas para sa araw-araw. Kani-kaniya silang luto, madalang na madalang ang gulay kaya kulang daw talaga sa nutrisyon ang mga preso. Gaya ng dati, dahilan ang kulang na budget at mabagal na (in)hustisya sa bansa.

Kinwento niya rin ulit ang pagiging buyonero, si Boy Coconut at marami pang koda ng mga preso gaya ng inilahad niya sa Prison Diaries blog na sinet-up ng mga kaibigan at kasama niya. Iba pa rin siyempre na siya ang nagkukwento. Bukod sa mga ito, marami pa siyang naibahagi gaya na lamang ng eksena noong Mahal na Araw sa kinalalagyan naming visiting room.

Nagsagawa raw ng Lenten retreat para sa mga bilanggo. Boluntaryo naman daw ang pagdalo, pero minabuti na rin niyang makiupo. Pinapanood daw sila ng pelikulang Passion of the Christ. Pagkatapos ng pelikula, tinanong daw sila ng pari kung ano ang repleksyon nila sa napanood.

Ewan daw niya at sa likod na nga siya naupo ay siya pa ang natawag. Hindi rin naman daw alam ng pari na siya ay bilanggong pulitikal. Tumayo raw siya, at maagap na sumagot. Nakita raw niya sa mga nagpahirap kay Kristo ang mga tumortyur sa kanya. Tuloy, ang retreat na para sana sa lahat ng preso, nagmukhang pribadong konbersasyon nila ng pari. Nilapitan pa raw siya ng pari pagkatapos ng programa. Saka lamang niya nasabi na siya si Ericson Acosta, bilanggong pulitikal. Hindi Kristo si Ericson, pero kung mayroon nga naman silang pagkakapareho, iyon ay ang pareho silang pinahirapan dahil sa pagbangga nila sa makapangyarihang estado, sa naghaharing imperyo.

Sa loob ng kulungan, nalaman daw niyang marami doon ang ni hindi marunong bumasa at sumulat. May sinimulan daw silang anim na tinuruang magbasa at sumulat. Sa huli, tatlo ang nagpunyagi. Ang isa sumusulat na raw sa magulang, ang isa nanliligaw na.

Kinwento niya pa ang maraming eksena nang mahuli siya – kung paanong hindi siya pinagamit ng telepono dalawang araw na matapos siyang dakpin ng mga militar nang walang warrant, ang pagpapasa sa kanya sa pulis magtatatlong araw na mula nang mahuli siya, paanong laking luwag daw sa dibdib ng mga pulis sa Calbayog nang ilipat siya sa sub-provincial jail dahil takot silang sugurin ng mga NPA.

Sa mga unang araw din daw ng paghahanap sa kanya kung saan siya nakadetine, natuklasan na may limang magsasakang pinagbintangang NPA na nakakulong sa Catbalogan Sub-provincial Jail. Iyon iyong kulungan sa tapat ng stopover na hinintuan namin! Matagal-tagal na raw silang nakakulong, pero huli nang naisadokumento. Kasama sila ngayon sa mga bilanggong pulitikal na ikinakampanyang palayain sa buong Eastern Visayas.

Hindi na niya ikinwento sa amin ang interogasyon sa kanya. Hindi ko alam kung may usaping ligal dito, pero sa palagay ko, may trauma pa siya mula sa naturang pagsikil sa kanya ng mga militar. Wala namang ligtas doon. Pero sa kabila noon, masigla pa rin siyang nagkwento. Bakas sa mukha niya ang kasiyahan ng pagbabahagi sa mga aktibistang isang dekada ang bata sa kanya, at hanggang ngayon ay umaawit ng mga awitin ng panahon ng kanilang kabataan – at gumagampan din ng mapagpalayang gawaing huli man niyang niyakap, ngunit lubos pa ring niyakap at pinaglaanan ng buong buhay at panahon.

Papel at Bolpen

Maya-maya, may ipinasok na tatlong 1.5 na litrong Coke. Nagulat kaming lahat, at natawa. Ang dinadalaw pa ang nanlibre sa amin. Sadya naman kasing napakainit sa “warehouse.”

Naalala ko ang dala kong notepad at dalawang bolpen. Inabot ko sa kanya, sabi ko ibinilin sa akin ng huling dumalaw sa kanya na magdala nito dahil wala siyang masulatan. Ngumiti siya ulit. Mayroon daw siyang papel pero bolpen wala. Presyur daw sa kanya iyon ngayon, na magsulat. Nakakasulat siya pero hindi ganoon karami.

Nabanggit niya ang tungkol sa revolutionary romanticism. Ayon sa kanya, tunay namang kapag ikaw ay nasa lungsod – urbanisado, maunlad at malayo sa pinagsasamantalang mayorya ng magsasaka – maaaring mahulog sa romantisismo ang pag-iisip sa kanayunan. Pagdating dito, at makita ang aktwal na kalagayan – na hindi lahat marahan, at mayroong nagaganap na digma at karahasan – dis-ilusyon ang kinahahantungan ng iba. Gayunman, iba aniya ang revolutionary romanticism, at kailangan pa rin natin ito. Siyempre pa, hindi ito malulubos nang hindi mahigpit ang tangan sa prinsipyo at paninindigan. Ito ang mahalaga higit sa lahat.

Magsasama, Magkasama

Hanggang alas kwatro lang pala ang dalaw. Mga alas-tres ng hapon, dumating ang magulang ni Ericson, huling hirit ng dalaw bago sila lumipad pabalik ng Maynila. Kami naman, sinulit pa nang kaunti sa mga tanong-sagot sa kanya.

Tingin ako nang tingin sa relo ko, kailangang sulitin ang isang oras pa sabi ko sa sarili. Naalala naming kantahin na ang mga kanta ng Alay Sining na inangkin na rin namin. Magkaisa muna tayo kung ano ang line up, sabi ng isa. Unahin natin ang “Dahil.” Dahil hindi alam ng lahat, isinulat muna namin sa hiwa-hiwalay na papel bago mag-community singing.

Bago magsimula, sabi ng isa sa amin sa mga nag-uusyoso, “kanta po nila Ericson ito!” Nagsimula na kaming kumanta. Biglang dumami ang nakasilip sa pinto ng visiting room. Sumabay sa Ericson sa amin, nakayuko siya at astang hinuhuli ang tono ng kanta. Pana-panahong ngumingiti. Pero hindi niya kinanta nang buo ang kanta, maliban yata sa koro ng “Dahil.” Mali kaya ang tono namin, o sadyang di niya maalala ang titik ng sarili niyang kanta? Naramdaman yata niya ang pagtataka, matagal na raw kasi ng mga kantang ito sabi niya.

Sinunod namin ang “Paalam,” dahil magpapaalam na nga sana kami. Ganoon ulit ang proseso – sinulat ang titik ng kanta, ipinamahagi at community singing ulit. Batay sa pagkanta sa dalawa, mas kabisado niya ang “Dahil.” Naglalaro sa isip namin, hindi kaya epekto pa rin ito ng trauma ng pagkakadakip?

Kunsabagay. Matagal na nga. Hindi lamang isang dekadang kwento ang paksain ng mga awiting ito. Hindi naluma ang mga awitin, lalo na ang sinimulang pakikibaka ng mga nauna – na minana na rin nila Ericson at ng mga sumunod pa.

Huling awitin ang “Magsasama, Magkasama.” Sa huling mga linya, sumabay na si Ericson. Pagkatapos ng awitin, hindi pwedeng hindi kami mag-chant. Ericson Acosta, Palayain! Bilanggong pulitikal, palayain!

Alas-kwatro na. Nagkamayan at nagpaalaman. Bago lumabas sa gate ng kulungan, lumingon pa kami ulit sa kanya. Kumaway siya at ngumiti. Kumaway din kami. Iyon na marahil ang pinakamabigat na eksena sa loob ng tatlong oras na inilagi namin sa Calbayog Sub-provincial jail.

Bago kami umalis, sabi ni Ericson, “sana makabalik kayo, sa susunod.” Sumagot kami, “sa labas na tayo magkita!” Tumawa siya, tumawa rin kami. Nakapiit man, hindi matatawaran at matitinag ang saya at lipos na damdaming pinanday ng pambansa demokratikong pakikibaka. ###

Paumanhin sa labis na pagkaantala ng pagpapaskil. Sinamahan ako ng piyesang ito sa panahon ng karamdaman.

*Para sa aking mga kapatid at kasama sa Student Christian Movement of the Philippines, maraming salamat sa makabuluhang pagsasama at paglalakbay. Kitakits sa Exodus! =)

No comments:

Post a Comment