by Lisa Ito
Hindi ko na siya naabutan sa Kule. Legendary raw siya in a funny way, batay sa mga naratibo ng mga editors ng pahayagan. Tibak man o hindi ang mga staff na nakaaalala sa kanya, tiyak na may anecdote ang lahat tungkol kay ginoong Ericson Acosta. Kung papaano raw siya umaawit sa Sunken Garden hanggang madaling-araw. Kung papaano raw siya nakikipagbiruan at nagpapasimuno ng mga inuman. Magaganda man o hindi ang cheka, tiyak rito na talentado at witty siya. Karakter, ika nga.
Medyo ilag pa ako noon sa mga aktibista. Palibhasa feeling subversively neutral at kumportable sa pa-sawsaw-sawsaw at tumpik-tumpik lang. Tuwing bumababa kami mula sa Silid 401, isa siya sa mga nakikita ko na pakalat-kalat na tibak sa Vinzons Lobby. Madali naman kasing mag-stand out (at stand up) si Ericson: maputla pero masigla, napakapayat pero listo, malumanay pero may tapang. Mapapagkamalang Koreano, sa panahong may mga nagkalat na Koreanong misyonaryo sa campus.
Hindi ako masyadong naka-relate sa mga true-to-life kwento ng mga contemporaries niya, ibang henerasyon iyon. Matagal nang wala siya sa Kule noong pumasok ako bilang probee in 1997. Hindi ko rin siya nakakasalamuha masyado sa panahong muli siyang tumambay sa Silid 401, ayaw ko pa rin sa mga tibak noon, hehe. At gradweyt na siya sa eksena at drama ng peyups noong sumali ako sa Alay Sining sa FA sa pagragasa ng EDSA Dos.
Mas nakilala ko si Ericson dahil sa kanyang mga obra at husay sa sining. Rare treat ang makita siyang mag-perform sa mga cultural night. Ang husay kasing kumanta, bigay na bigay at kuntodo mag-emote. Hindi lang pang-videoke, pang-UP Fair—orcs at rambol night—ang energy level at projection.
Pero, walang stir, pinakagusto ko ang kanyang mga na-compose na protest songs. Kung may soundtrack ang buhay aktibista sa UP, tiyak na may kanta diyan na likha niya at ng Alay Sining. Sinasabing ang mga awit ay isang daluyan ng edukasyon, at totoo nga naman na marami sa kanyang mga obra ay nakaambag sa pagbabago ng aking kamalayan. Mga kanta na pinaghuhugutan ng marami pang kabataan ng pambihirang ahitasyon at tiwala na pumanig sa tama.
May isa pa akong natatandaan, noong sumakabilang buhay ang aking tatay noong 2000. Kinabukasan, dumaan ako sa Collegian office para magsubmit ng article. Pagbaba ko sa Vinzons Lobby, naabutan ko si Ericson, nakasandal sa isang pillar, kasama ang iba pang tibak. Nakita ako, tumungo at sinserong nagpaabot ng kanyang pakikiramay. Nagulat ako. Hindi naman kasi kami close. Iilan lang ang nakakaalam na gumuguho na ang aking mundo sa mga sandaling iyon.
Hindi ko alam kung bakit—napakaliit lamang nito na bagay, kung tutuusin—pero kapag binabalikan ko ang mga panahon kung kailan, bakit, at papaano ako naging aktibista, kasama ang eksenang ito sa mga nakatatak sa aking aalala. Ang husay naman ng taong ito, sa condolence pa lang, nakakapagorganisa na.
Ngayon, nakakulong si Ericson sa Western Samar, sa Calbayog. Kinilabutan akong makita ang photo niya sa Bulatlat. Ang payat. Tulad ng marami, hangad ko ang kanyang agarang paglabas sa piitan. Inaabangan ko ang paglikha at pagtatanghal niya ng marami pang awit ng pagaklas at paglaya.
Manggagawang pangkultura, hindi kriminal, hindi terorista.
Ericson Acosta, palayain na!
No comments:
Post a Comment