Monday, April 25, 2011

Hagulgol ng Gubat


ni Richard Gappi


In brutal retaliation for the Balangiga attack, villages were set on fire, crops were destroyed, and thousands are believed to have died.

I.
...
Ngayon ay labingsiyam at isa.
At dito sa aking tahanan, langit man
ay naliligalig, ayaw tumahan.
Nasasaid ang aking lakas
upang bigyan pa ito ng ibang pangalan.
Maliban sa impiyerno, impiyernong katahimakan
ang nakaratay sa lupa.
Sa maraming taon,
nakaukit sa kanyang mga puno at bundok
ang kanyang pangalan.
Ito ang Samar!
Sa maraming taon,
ibinubulong ng hangin at dalampasigan
ang kanyang pangalan.
Ito ang Samar!
Ito ang Samar!
Ngayon ay labingsiyam at isa.
At dito sa aking tahanan,
ang nakahimlay na kapayapaan
ay nakaukit sa lapida ng mga namatay.

II.

Tag-araw at totoong walang nakadapong halumigmig.
Ngunit nangangaligkig ako,
sukol ako ng aking mga tadyang at gulugod;
Pilit kong nilalabanan ang ‘di mabatid
na sumpang lamig mula sa Kanluran.
Tila ako isang batang sumisinghap,
nalulunod sa bangungot, nagpupumiglas na makakawala
sa malawak na kamay ng dagat,
o sa sikmura ng sinaunang kuweba,
o sa pagkakalingkis ng bolang apoy.
Tila ako isang langong pulpito na natutuliro,
mag-isang naglalakbay sa puso
ng gabi habang nasa kamposanto.

Ngunit hindi ito sementeryo -
wala ritong krus na nakatundos sa mga hungkag na hukay.
Walang punong santol na magsisilbing lilim
at pahingahan ng mga nagluluksa -
mga naulilang umaasa sa ulan,
pang-ampat sa nakatalukbong na init ng araw.
Sapagkat dito, isang dambuhalang lapida ang buong Isla.
Isang malawak na kamposanto itong arkipelago sa Asya.
Sapagkat dito, hindi tubig ang pumapatak na ulan
kundi mga bala mula sa bunganga ng Springfield.

Sapagkat dito, lamon ng Bolang Araw ang Sandaigdigan.

III.

Kaya ngayon, nagpasya akong maging isang panakot-uwak.
Kahit batid kong ni hindi mapapadako rito ang ulilang mayamaya
Kahit batid kong wala ritong madadagit na palay.

Lupa lamang ang narito na pinagyayaman.
Hindi ng init ng mga bulkan
kundi ng malalamig na bangkay.

Lupa lamang ang naritong patunay sa halubigat na nasa aking talampakan.
Lupa lamang ang narito na patuloy kong tutungtungan -

Hanggang maulinigan ko ang pinakamatining
na ungol, iyak, at sigaw ng humahagulgol na gubat --
kung saan naroon ang aking mga kasama at mahal sa buhay.
Na ang mga nalasog na buto ay tumatabing sa ‘di ko na masipat na panginorin;
Na ang mga natadtad na katawan ay simpatag ng gubat;
Na ang mga nabubulok na katawan ay tumatabon sa dating mga palayan -
isang tanawin ito, Oo, isang tanawin na higit pa sa kumunoy
na kailan man naisip ay kong hindi sasagi sa alamat ng aking nawalang kabataan.

Lupa lamang ang naritong patunay sa halubigat na nasa aking talampakan.
Lupa lamang ang narito na patuloy kong tutungtungan -

Hanggang dumating ang pagkakataon
na umawit ang sanggol sa aking sinapupunan,
at sabihin sa akin na ito,
ito na ang panahon upang humakbang ang panakot-uwak,
tunguhin ang dalampasigan ng Dagat Pasipiko
upang doon, maging isang ulilang mayamaya -
habang sinusukat ng pakpak ang lawak ng dagat
at humapon sa buhanginan ng dalampasigan.

At iluwal

Siya, siya na hindi ko kilala ang ama.

Siya na hindi ko mapagsino ang mukha ng kanyang ama.
Ngunit bakit, bakit kailangan ko pang alamin…

Siya, na isa lamang ang ari ng kanyang ama
sa lima o limampung ari ng puti na hindi tuli.
Ngunit walang pakundangang
sinalit-salit ang aking Malayong katauhan.
Sa bawat sibat, sa bawat diin, sa bawat pagwakwak -
Bawat igkas, bawat siklot, ang bawat pagsabog ng apoy
ay tila mga dambuhalang kamay,
nilalamutak ang aking sinapupunan, sinasakmal ang kalamnan.

Huwag nang banggitin pa
ang lunggati ng aking kaluluwa;
Kung totoo ngang
itong kaluluwa ang tanging ikinaiiba
ng babae at ng butas,
o ng lalaki at ng tagdang yari sa Amerika.

IV.

Oo aking anak.
Sasabihan ko kung sino man ang iyong ama.
Oo aking anak.

Sapagkat ikaw ang aking kaluluwa.
Ikaw ang aking pangalan at awit -

Ikaw ang aking kapayapaan!

Sapagkat kapwa kamatayan at paghihiganti ang kapayapaan.
At sa atin, dito sa Samar! Dito sa buong kapuluan!
Higanti ang makatarungang Himagsikan.

Ito ang aking natutuhan. Ito ang ituturo ko sa iyo.
At ito ang ating ibabanyuhay sa buong Samar.


Ito ay tula na isinulat ni Richard Gappi para sa dulang "Samar" ng UP Alay Sining. Nagsimula ang konsepto ng dula mula sa isang tula sa Ingles na isinulat ni Ericson Acosta at isinalin sa Filipino ni Richard Gappi.

No comments:

Post a Comment