Ang tulang ito ay binigkas ni Ericson Acosta para sa proyektong Uniberso: New Pinoy Poets Calling ni Mayo Uno Martin. Isa sa mga unang nagpalaganap at nag-upload ng rekording na ito ay ang musikerong si Dong Abay nang patugtugin niya ito sa isang interbyu sa NU 107 at nang i-post niya ang tula sa isang playlist na tinagurian niyang "Boy Tenga Files."
WALANG KALABAW SA CUBAO
Walang kalabaw sa Cubao
Pero sa loob ng videokeng Fiesta carnival
May mga kabayong baby-blue
At isang kubang Tyrannosaurus Rex
Habang sa magkabilang dulo
Ng Goldilocks at showroom
Ng Automatic Center
Naroon naman ang mga Tamaraw
FX na ngayo’y pastul-pastol
Ng mga kolorum na dispatser:
Mga bastardong anak
Nina Aurora’t Epifanio
Na ang langibang pusod
Ay kakabit pa rin
Ng matris ng estero;
Mga binatilyong binabansot
Sa lilim ng Big Dome
Sa anino ng kongkretong domino
Ng tinatayong tulay ng MRT-2;
Mga supot na sakristang simsim-
Simsim ang insenso ng tambutso,
Papak-papak ang beintesingko—
Ang ostiang kabayaran
Sa taimtim na pagkabisado
At paghiyaw sa mga litanya
Nina SANTA LUCIA, SANTA LUCIA
At SAN MATEO, SAN MATEO
At sa banal na amen ng Hoy, ‘tang ‘na kang
Hayop kang hindot ka, nauna ‘ko sa ‘yo dito!
At ngayon, kagat-kagat nila
Ang labi ng alas-dos
Pilit na tinitiklo ang antok
At nang ‘di malimot
Ang inalmusal na rugby sa may 7-11
Ang tinanghaliang bilog
At idlip sa gilid ng Tiririt
Ang hinapunang jakol
Sa CR ng Ali-Mall
Walang kalabaw sa Cubao:
Ang Cubao mismo ang kalabaw
At sila ang nakadapong langaw.
No Carabao in Cubao
There are no carabaos in Cubao / But inside the videoke Fiesta Carnival / There are baby blue horses / And a humpback Tyrannosaurus Rex / While the opposing ends / Of Goldilocks and the showroom / Of Automatic Center / Are lined with Tamaraw FX now herded / By illegal dispatchers: // Bastard children / Of Aurora and Epifanio / Whose scabbed navels / Are still attached / To the wombs of the sewers; /Teenage boys dwarfed / By the shade of the Big Dome / By the shadow of the concrete domino / Of the MRT-2 bridge under construction; / Uncircumcised sacristans / savoring Whiffs of car fume incense, / Snacking on their 25 centavo coins -- / The sacred host that is remuneration / For their solemn mastery / And exclamation of the litanies / Of SANTA LUCIA, SANTA LUCIA / And SAN MATEO, SAN MATEO / And the holy amen of / Hey, you motherfucker, / You animal, you fuck, / I was here first! //
And now, they bite on / The lip of the strike of two / Staving off sleep / So as not to forget / The early breakfast meal / of solvents near the 7-11 / The lunch of gin tonic / And catnap at the side of Tiririt / The evening jack off that had been dinner / At the Ali Mall john // There are no carabaos in Cubao: / Cubao itself is the carabao / And they, high on its back, the pompous roosting flies. //
(Translated by Kim Nepomuceno)
Ang ganda ng tula.
ReplyDelete