Monday, April 4, 2011

Dahil Katulad Natin si Ericson Acosta: Makata, Artist, Manunulat, Mang-aawit, Manggagawang Pangkultura at Collegian Editor


ni Richard R. Gappi

"Hoy! Tang-ina mong hayop kang hindot ka! Nauna ko dito!"

Isang linya yan sa kanyang tanyag na tula na pinamagatang "Walang Kalabaw sa Cubao." Paksa ng nasabing tula ang mga batang barker ng jeep sa Cubao at Edsa. Sa makabagong panulaang Pilipino, siya pa lang, sa pagkaalam ko, ang unang mabisang nakagamit ng mga "bawal na salita" sa konteksto ng isang tula.

Ereksyon Pacasta. Binky Lampaso. At pasimuno ng bandang Acosta Universe.

Siya si Ericson Acosta. Payatot, kamukha ni Ho Chi Minh, hindi lang sa hugis ng mukha dahil sa mahaba na rin ang kanyang balbas at that time. At higit sa lahat, numero unong kwela kasi lagi kang maiiyak sa tawa dahil sa kanyang kawirduhan.

Sa byline ng Philippine Collegian una kong nakita ang pangalang Ericson Acosta. Taong 1988 ako nang pumasok sa UP Diliman. Noong panahong iyon, paborito ko nang basahin ang Kule, ang dyaryo ng mga estudyante sa UP. Dahil magaling silang magsulat. Magaling mag-Ingles. Magaling mag-Filipino. Magaling din tumula. At isa sa naging idol ko dun ay si Acosta (paapelyido kami kung magtawagan).

Kaya ginusto kong pumasok at maging manunulat din ng Kule. Pero nakapasok lang ako sa Features Section noong 1993 matapos ang walo o siyam yatang exam -- mapa-News, Features o Kultura basta may exam, exam ako pero lagpak naman palagi. Doon ko na nakita at nakilala si Acosta. Dati nung kilala ko pa lang siya sa byline, iniimagine ko itsura nya: malaking tao, nakasalamin, palaging seryoso, mahirap biruin. Pero nung makita ko na siya, extreme opposite pala. Naging magka-tandem din kami sa inuman at tulaan dahil ako ang nagsasalin sa Filipino ng mga tula niya sa Ingles at yung mga tula ko naman e kanyang ini-Ingles.

Marami akong alaala kay Acosta pagdating sa kanya bilang estudyante, organizer at cultural worker. Pero tatlong bagay yung pangunahing sumasagi sa isip ko.

Una, si Acosta ang tagabulabog ng mga mgasosyota na nasa Sunken Garden tuwing alas-dos nang madaling araw. Dun siya nagkakanta-kanta o kaya sa lobby ng Vinzons Hall. Kung tanghali naman, siya yung manghihimok na "bili naman tayong softdrinks o pagkain" dahil hindi pa siya nag-aalmusal o baka abutan siya ng tanghalian na wala pang laman ang tiyan. Kung umaga naman, habang nasa 4th floor ng Vinzons Hall sa Kule ofis at kapag hindi pa siya nakakatulog dahil sa presswork, siya ang taga-bati ng mga estudyante o sinumang di nya kilala. Kaya maririnig siyang sumisigaw ng"Hoy, Good morning! sa inyo! Magandang umaga!" at maglilingunan naman yung nasa baba at susundutin ni Acosta ng isa pang sigaw: "Oo, ikaw na naksuot ng dilaw, good morning!" Tsaka kami magtatawanan at makikita mo ang kanyang malawak na bungisngis habang nagkakape at nagyoyosi.

Pangalawa, si Acosta ang isa sa pasimuno sa paglalabas ng "Philippine 'Rebel' Collegian" noong 1996. Mahaba-habang istorya ito, bale ganito yun. Ako ang nanalong editor-in-chief ng Kule noong 1996. Pero nagprotesta yung second placer. Nanindigan yung board of judges at UP Diliman unit sa pangunguna ng tsanselor na ako yung first placer. Pero binaliktad naman ng Board of Regents yung desisyon ng board of judges. Kaya nagkaroon ng rali. Kaya nagkaroon ng tatlong oras na UP campus-wide strike. May mga teacher at estudyante na nag-walkout sa klase. Walang nagbibiyahe. Wala ding UP Ikot. At dahil sa unang pagkakataon after Martial Law ay pinangambahang hindi lalabas ang Philippine Collegian on time para sa unang linggo ng klase, inihanda at inilabas ang Rebel Collegian. On a lighter note na kaugnay din sa Collegian, isa din si Acosta sa mga pasimuno at naghubo para sa cover photo ng "Kume," ang spoof ng Philippine Collegian. Tinawag nila ang mga sarili na "Mga Anak ni Oble" na nagpoprotesta, may t-shirt na takip sa mukha para 'wag makilala, taas-kamay, nakatalikod sa kamera pero hubo't hubad, kita ang iba't ibang pisngi at tambok ng mga pwet. Tema kasi ng "Kume" at that time ay ang "UP Budget Cut." Sa rooftop ng Vinzons Hall sila nag-photo shoot.

Pangatlo, sa larangan ng pag-ibig. Nasabihan ko siya dati na liligawan ko yung isang writer din ng Kule. Full support si Acosta, taga-udyok. Sige gawa ako ng love poem tapos ipapakita ko sa kanya, "Sige, okay na yan, ibigay mo na sa kanya." Nalaman ko na lang later on, siya na pala yung karelasyon ng nililigawan ko! Smooth operator talaga si loko. Siguro mas gwapo lang talaga siya sa akin ng isang paligo. Pero bumawi naman si loko. Siya naman yung taga-diga at naging tulay sa sinunod kong niligawan na nakarelasyon ko naman. Tsaka naging magkumpare kami.

Bilang makata, songwriter, singer at actor, total performer siya talaga palagi. Kahit biglaan ang pagtatanghal o parang nagtitrip lang o kahit preparado gaya ng makikita sa mga dulang "Samar" at "Monumento." Wala sa kanya ang konti o dami ng tao. Kahit dalawa o tatlo ang audience. Minsan nga kahit walang tao! Pagdating naman sa student movement, kung ang dekada 90 sa UP ay nagprodyus ng Eraserheads at Yano, si Acosta ang tatak ng UP sa student movement mapa-Kule, student council o sa Office of the Student Regent dahil sa lahat ng student institutions na ito ay tahimik na lider pero influential at iginagalang si Acosta. Dahil matalino, matalas mangatwiran, may malasakit sa mga kasama at kaibigan, at parang magician na laging may baon na patawa.

Bilang makata, walang pasubali na ang mga likhang sining ni Acosta ang patunay na salamin sa sabay na pagpapa-unlad at pagpapataas sa form and content ng progresibong panulaan at sining. (Pakinggang ang 19 na awit ng Alay Sining na karamihan at likha ni Acosta sa link na (http://soundcloud.com/alaysining/) Noon at ngayon, pinupulaan ang progresibong sining dahil wala daw ditong puwang para paunlarin ang porma at estetiko kapag nilangkapan ng pulitika ang mensahe ng likhang sining. Pero tingnan nyo ang mga gawa ni Acosta kahit nung nasa UP pa lamang siya at kahit noong nag-iintegrate na siya sa kanayunan para turuan ang mga bata na magsulat, magbasa, tumula, kumanta -- may mga eksperimento sa tunog, salita, liriko, estilo at nagagamit niyang maigi ang mga imahen/larawan na endemic sa isang lugar pero napapanatili niya ang kanyang matalas na paniniwalang pampulitika. Kitang kita ito sa tula nyang "And so your poetry must" at "Walang kalabaw sa Cubao" at sa mga awiting komposisyon tulad ng "Haranang Bayan"at "Magsasama, magkasama." (http://alaysining.wordpress.com/2011/01/15/magsasama-magkasama/)

Bilang aktibista naman, si Acosta ang patunay na kahulugan kung ano ang ibig sabihin ng pagpapanibagong hubog. Kung dati, lumpenic ang kanyang buhay, iniwan na niya ito at hindi na nagyoyosi o umiinom. Siguro dahil nagkaanak na rin siya at tsaka may nararamdaman na ring mga sakit sa katawan -- para daw laging kumikirot yung dibdib niya na tinamaan ng nguso ng bangka nang minsan siyang madulas habang papasakay dito. At that time, nagdesisyon na siyang pumunta sa kanayunan dahil sa kanyang pasya at pasya ng mga kakilala niya at kaibigan, "mas kailangan daw siya dun" kaysa dito sa lungsod.

Mukha ding mas naging seryoso siya at "ma may direksyon." Hindi nya na rin ginagawa yung ilan nyang kawirduhan. Matagal ko na rin siyang hindi nakakatext o personal na nakakausap. Pero naalala ko yung huling pag-uusap namin. Tinatanong nya ko kung meron daw akong compilation ng mga sinulat nyang tula, sanaysay, at iskrip sa Kule mula nung magkasama kami sa UP. E bandami nun! Sabi ko, isang term lang ng Kule yung meron ako na naka-bookbind yung compilation. Sabi ko pa rin sa kanya, sa UP Main Library pwedeng makakuha dahil every term ng Kule ay may ibinibigay ng copy para sa library. Natapos ang usapan namin sa biro ko na baka sa kanayunan siya nagkakalat ng kanyang kawirduhan. Nangiti lang siya.

Katulad siguro ng iba pa na kaibigan ni Acosta, nakasama sa Kule, kamag-anak at kasama, nagulat ako nang mabaliitaang nahuli daw siya dahil sa illegal possession of firearms.

Walang armas si Acosta.

Ang armas ni Acosta ay tapat at bukal sa loob na maglingkod at magturo sa nayon na ang mga kalabaw ay matagal nang nakasadlak sa putik ng pyudalismo.

Ang armas ni Acosta ay tula at talinghaga kung paano niya isinisiwalat ang dahas at kabalintunaan ng kaunlaran na ang bunga ay pinakikinabangan lamang ng iilan.

Ang armas ni Acosta ay awit na nagbibigay ng pag-asa sa mga inaapi at nagpapalakas ng loob sa kanila na may bagong haranang bayan na dapat awitin at salubungin.

Ang armas ni Acosta ay ang kanyang galing sa entablado, ang tanghalan mang ito ay putikan kung tag-ulan at umaalikabok sa usok kung tag-araw.

Ang arams ni Acosta ay ang sining na tumatagos sa puso, diwa at isip ng kanyang mga manonood at tagapakinig -- ang sining na nakakapagpamulat, nakakapagpabalikwas, na nagpapalakas ng loob, na lagi't laging nagpapanibagong lakas sa napagod na katawan at diwang mapangmulat at palaban.

Ang armas ni Acosta ay ang kanyang patpating katawan, hukot na balikat, lubog na panga, prostate na sumasakit, dibdib na laging kumikirot -- mga armas ito na lagi niyang inihahanda at iikinakasa dahil laging handa at nakakasa si Acosta.

Bakit kailangang sakalin ang tula? Bakit kailangang agawan ng tinig ang mga mang-aawit? Bakit kailangang idemolish ang entablado ng mga mandudula? Ang bayang sagad sa hirap na pinasisidhi ng institusyonalisadong korapsyon ay lalong umaalingasaw ang kabulukan kapag ikinukulong ang tula, awit at dula.

Ang maganda -- kung meron mang maganda na maaaring makita sa pagkaaresto kay Acosta at sa iba pang naging detenidong pulitkal -- ay ang tiyempo o panahon kung kailan sila nahuli.

Ang mga daliri at kamay na kapwa pumipisl sa gatilyo ng digmaan ay nasa lamesa ngayon dahil sa usapang pangkapayapaan. Ngunit kaninong kamay ang tila Poncio Pilato na naghuhugas-kamay? Ang mga kamay na humuli kay Acosta ay ang mga kamay na lublob ngayon sa korapsyon, nagtuturuan, at kitang kita ng madla. Ang kamay na humuli kay Acosta ay tulad ng mga kamay ng heneral na nagbaril sa sarili dahil sa kahihiyan -- o dahil ayaw pa lalong mabulid at mahigop sa kumunoy ng kahihiyan -- ang institusyon na kanyang kinabibilangan. Ang mga kamay na humuli kay Acosta ay ang mga kamay na botanista na dangal at yaman ng bayan. Ito ang mga kamay na sumasakal sa kalayaan nating tumula at umawit upang maging mapagpalaya ang pagiging malikhain.

Sinumang artista, makata, manunulat o alagad ng sining ay dapat manawagan sa pagpapalaya kay Acosta. Hindi man tayo agad handa o kung baka taliwas pa nga ang ating pampulitukang paniniwala sa pinaniniwalaan ni Acosta, manawagan pa rin tayo na palayain si Acosta. Dahil si Acosta ay katulad nating hindi mapakali kapag nakikipagtalik sa musa ng Tula. Dahil si Acosta ay katulad nating nagpapalipas ng gutom matapos lamang ang isang Awit o anumang likhang sining. Dahil ang pagkulong kay Acosta ay bigwas at atake din sa ating indibi-indibwal na kalayaang maging malikhain at ang kalayaang makapagpahayag.

Dahil si Acosta ay kasama nating artista, manunulat, at mang-aawit. Sapagkat ang bayang walang malayang manunulat, artista at manlilikha ay bayang walang kahihinatnan, walang babalikang kasaysayan, at walang karapatang salubingin ang kinabukasan.

I-like ang FREE ERICSON ACOSTA Page sa Facebook.

Palayain si Acosta! Makata at artista! Hindi siya kriminal o terorista!

Richard R. Gappi
11:55AM, Martes, 22 Pebrero 2011
Angono, Rizal, Pilipinas

No comments:

Post a Comment