Sunday, April 10, 2011

Obra (Kay Ericson Acosta)

ni P. Montalban


Himig ng lahing inaglahi--Himig ng masang api:

Himig ng magsing-kasi, sa isa't isang iisa'y napili:

maglingkod sa bayan, paglakbayin ang mga binti

sa kanayunan pabaha sa kalunsuran ang sidhi


ang mga tema ng iyong mga obra.

Sining na iniaalay para sa lahat at di sa iisa.

Sining na responsable, napapanaho't mapagpalaya.

Sining na naglilingkod nang tapat sa bansa.

Sining na iniaalay sa mas malawak na bilang ng masa.


Iniluwal at iniluluwal mong mga awit

nag-anak at nag-aanak

ng mga kung-makakapit-

at-makatangan-sa-karit-

at-maso ay buhay ang tinatayang kapalit


ang saysay ng iyong mga obra.


Sining na nagsusulong ng pambansang demokrasya.

Sining na nagmumulat, nagpapakilos, nagoorganisa.

Sining na pumupukaw sa sensibilidad, at gumigiya.

Sining na naglalantad ng tunay na itsura ng demokrasya.


Dinukot ka nila bilang pagtatangka

maitigil ang tunggaliang sila ang nagsimula.

Ngunit ang pagtatangka'y pumalya

nadukot nga ang pisikal mong presensya...


hindi naman ang iyong mga obra---

No comments:

Post a Comment