ni Kislap Alitaptap
17 Pebrero 2011/0236H
Matagal nang walang nagtatabas
Ng damo sa palibot ng Monumento.
Naungusan ng dagdag pasaheng piso
Ang pagpapalit ng pinturang nakasuot
Sa bandila,
At tabak,
At ng Katipunero.
Ganito ang Monumento
Ngayon,
Ericson.
Karaniwang panoorin
Na lang ito,
Sa mga estudyante,
Mga tsuper,
At mga pasahero.
Oo, karaniwan...
Gaya ng karaniwang
Paglalamay dito ng mga kandila,
Pagpapakilala ng mga karatula,
At pagsisikap ng mga mandudula.
Tutugisin ng panahon ang Monumento.
Ang ulan ay magpapakabato
Upang talupan ito
Ng diwang sinasaludo.
Bibigwasan ito ng pagkalimot,
Pupulaan ng mga nababagot,
At hahayaang maakyat ng lumot.
Ngunit, walang makakapagtago
Ng katiyakang
Ang bandila,
Ang tabak,
At ang Katipunero,
Ay Ikaw.
Nabubuhay,
Nagpapakatatag
At magpapakatatag.
No comments:
Post a Comment