by Mark Saludes
Hindi ko personal na kilala si Ericson, hindi ko siya nakadaupang palad sa mga lansangan ng pakikibaka o nakaulayaw sa gilid ng Vinzons Hall sa UPdiliman. Hindi rin kami nagkasama sa iisang grupo o isang pagtitipon.
Hindi ko personal na kilala si Ericson, ni hindi ko alam kung ano ang mga bagay na gusto niya o ang paborito niyang pagkain.
Hindi ko kilala si Ericson Acosta!
Pero kilala ko ang masang pinaglilingkuran niya, kilala ko ang parang na pinili niyang lakaran, kilala ko ang mga alay niyang sandali para sa malawak na mamamayan. Kilala ko ang tapang at paninindigang nasa puso at isip ni Ericson. Kilala ko ang kanyang mga tula at awit ng paglaya.
Kilala ko si Ericson Acosta!
Marami siya...
Kilala ko ang maraming Ericson Acosta!
Si Ericson na nasa mga pabrika at pagawaan, na patuloy na inoonse ng mga kapitalista.
Si Ericson na manggagawa na pilit humihilagpos sa gapos ng pagsasamantala at pagkaapi.
Si Ericson na lumilikha ng biga at poste ng nagtataasang gusali ng AYALA LAND.
Si Ericson na nahulog mula sa gusali ng ETON na may kakarampot na sahod.
Kilala ko si Ericson Acosta!
Si Ericson na nasa unibersidad, komunidad at lansangan, isang kabataang estudyante na pinagdalutan ng libro at dunong.
Si Ericson na biktima ng mataas ng matrikula at maliit na budget sa edukasyon,
Si Ericson na nakatira sa kabahaan ng riles ng tren at pilit na itinataboy palayo sa kanyang paaralan.
Si Ericson na hindi lamang libro ang tangan, kundi ang aral ng mamamayan at lipunan.
Kilala ko si Ericson Acosta!
Si Ericson na nasa bukid at kanayunan, na walang sariling lupang mabungkal.
Si Ericson na magsasaka na naghahasik ng binhing naghihimagsik at nais lumaya.
Si Ericson na inagawan ng lupa, ginisa sa sariling pawis at mantika, siyang putikan ang kamay ngunit sa hapag-kaina'y walang maialay.
Si Ericson na ang buhay ay lupa at mamamatay para ipaglaban ito.
Kilala ko si Ericson Acosta!
wirdo, makata, artista, manunulat, aktibista, mag-aaral, instruktor, organisador...
Kilala ko si Ericson Acosta!
Manggagawa, Magsasaka, Kabataan, Kababaihan, Migrante, Pambansang Minorya, Peti-Burgesya.
Kilala ko si Ericson Acosta!
Makabayan! Tunay na Lingkod Bayan... Proletaryado!
At ilan pa bang Ericson Acosta ang iiipit sa selda upang hadlangan ang katarungan?
Ilan pang Ericson Acosta ang bubusalan ang bibig upang huwag magsalita,
.. ang igagapos upang hindi makalaban?
.. ang isasadlak upang mapatahimik?
Ilang Ericson Acosta ang kilala ko, at lahat sila ay hindi tatahimik.
...lahat sila ay magpapatuloy!
Kilala ko si Ericson Acosta!
Kami si Ericson Acosta, kaming mamamayan na kanyang pinaglilingkuran!
Palayain si Ericson Acosta! Palayain ang sambayanang Pilipino!
No comments:
Post a Comment