Thursday, April 14, 2011

Rody Vera on Ericson Acosta






Di-malilimutan ang beteranong aktor na si Rody Vera sa kanyang pagganap bilang anak ng welgista na nagbigay-buhay sa awiting "Manggagawa" sa pelikulang
Sister Stella L. na kinatampukan ni Vilma Santos.

Ito ang pahayag ni Rody Vera tungkol kay Ericson Acosta
.


PAHAYAG NI RODY VERA TUNGKOL KAY ERICSON ACOSTA

Una kong nakilala si Ericson nung siya'y bata pa lang. Nung mga edad 10 pa lamang siya, kasama na siya sa cast ng dulang Macbeth ni William Shakespeare na ipinalabas ng PETA nuong 1984. Hindi ko alam kung buong kamalayang alam ni Ericson noon na ang pagkakasali niya sa dulang iyon ay bahagi na ng gawaing pangkultura laban sa diktadurang Marcos. Sa dulang sinalihan ni Ericson noon, nilantad ang kawalanghiyaan ng pagkaganid sa kapangyarihan. Tulad ni Marcos, si Macbeth ay mistulang Hitler na pumatay at nagpahirap sa sambayanan.

Ngayon, nakakalungkot isipin na ang parehong makinarya ng tortyur, karahasan, pagdakip nang walang batayang legal, pagsupil sa boses ng mga manggagawang pangkulturang tulad ni Ericson at ng sambayanan ay patuloy na ginagamit kahit walang namumukod-tanging diktador na tulad ni Macbeth o Marcos. Ngayon ginagamit nila ang mga karahasang ito sa ngalan ng demokrasya. Isang nakakagalit na pangyayari sa pagyurak ng karapatan ni Ericson sapagkat alam nating kung nangyari sa kanya ito, maaari ring mangyari sa bawat isa sa atin. Higit pa rito, ngayong nangyari ito sa kanya, kalayaan nating lahat ang binawi. Ang pagkakakulong sa mga tulad ni Ericson ay pagkakakulong nating lahat. Ang pagkakadukot sa mga desaparecido ay pagkakadukot sa ating karapatan.

Palayain si Ericson Acosta. Palayain ang mga Detenidong Pulitikal.

Rody Vera

Abril 15, 2011

No comments:

Post a Comment