Monday, April 18, 2011

Prison Break: Si Ericson “the matchmaker” Acosta at ang aking YS songbuk


ni Tine Sabillo mula sa tinesabillo.wordpress.com

Sa totoo lang, hindi ko kilala si Ericson Acosta. Noong 2007 lang kasi ako naging aktibista (hindi na kami nag-abot sa UP) at bagamat mahilig sa musika, hindi naman napasama sa mga “taong kultural.” Pero nakakatuwang malaman na ang mga likha nya ang ilan sa nagpasaya sa akin noong bagong “tibak” pa lang ako.

(Para malaman kung paano siya kinasuhan at dinakip ng militar, ito ang kanyang affidavit)

Noong isang linggo ay naglabas si Nato Reyes (BAYAN secgen, mahusay na musikero at blogger) ng online compilation ng “Prison Sessions” o iyong jamming session niya kasama ang artista ng bayan na si Ericson Acosta. Ginawa nila iyon sa loob ng Calbayog Sub-provincial jail kung saan nakadetine si Acosta.

Comments: Panalo ang “bluesy” na Patay na ang Kabayo (aralin nating sabayan ng harmonica). Antayin ang tilaok ng manok sa bandang huli (magiging constant ito sa iba pang kanta). Hehe. Masaya talaga pakinggan yung Kumustahan. Maganda ang pagkanta nila ng Alamat kaso may parteng nakalimutan ni Ericson ang lyrics…sa dami ba naman ng kantang naisulat nya… Abangan ang adlib ni Ericson sa Kay Hirap ng Buhay. Maganda lahat kaya pakinggan nyo na lang. :)

————————————————–

Doon ko lang napagtanto na sya pala yung “Acosta” na lumikha sa mga kantang matagal ko nang inaawit at tinutugtog.

Ang unang progresibong awitin na narinig ko ay iyong Hanggang Huling Patak. Gandang-ganda ako sa awiting iyon.

Nang kalaunan ay may nagbigay sa akin ng kopya ng song book na tinutugtog ng mga taga-Alay Sining (hindi naman talaga songbook kundi photocopy ng photocopy ng prinint na lyrics at chords ng mga kung ano-anong awiting pang-estudyante).

Bagamat hindi mahusay maggitara, dahil isa ako sa kakaunting marunong tumugtog sa grupo namin sa kolehiyo, obligado akong aralin at tugtugin ang ilang kanta. Iyong songbook na iyon ang lagi kong kasa-kasama. Ngayong binabalikan ko ito, kalakhan pala sa mga kantang iyon ay isinulat ni Ericson.Kasama dito ang Awit ng Kasaysayan, Haranang Bayan, Dahil at Alamat na madalas gamitin sa mga kultural na pagtatanghal. Nandoon din ang Magsasama, Magkasama na kinakanta namin pag nasa piket o pagkilos.

Mahusay talaga ang mga sumusulat ng mga “tibak songs.” Biruin mo at sa isang kanta lang ay parang may mini-ED (educational discussion) ka na tungkol sa kasaysayan, dialectical materialism, sectoral issues, etc. Naibabahagi din nya ang kumplikadong emosyon na pinagdadaanan ng isang aktibista sa paglusong sa mundo ng kontradiksyon at sakripisyo.

Ang mga awiting ito ang patuloy na tumutulong humubog at magmulat sa madaming henerasyon ng mga kabataang aktibista. Iyon ang kapiling nila sa kalungkutan, kasiyahan at mga panahon ng pagsubok.

Musika at Pag-ibig

Sabi nila, matchmaker daw si Ericson. Dalawang pares na ng mag-asawang kilala ko ang “inoperasyon” pala ni Ericson. Isa na rito ang isang kasamahan sa trabaho. Ayon sa kanya, may boyfriend daw syang taga PMA noong nasa kolehiyo pa lang sya at editor ng Kule (Philippine Collegian). Lagi syang pinagsasabihan ni Ericson (na Kultura editor naman ng Kule) na makipag-hiwalay na dito at piliin na lang ang isa pang kapwa editor nila. Sa pagpupursige ni Ericson, di kalaunan ay sila na nga ang nagkatuluyan.

Hindi kami magkakilala ni Ericson Acosta pero ang mga likha nya ay naging daan upang mapaglapit kami ng karelasyon kong si Carlos. Parehong arogante at nagmamarunong, madalas kaming hindi nagkakasundo at nag-aaway. Ang tanging pinag-kasunduan lang namin ay musika. Pareho kaming tumutugtog ng gitara at kumakanta. Bagamat pinag-aawayan din namin ang aming pagkakaiba sa genre na gusto (sya RnB, ako pop rock), pag progresibong mga awitin ang pinag-uusapan ay magkasundong magkasundo kami.

Pag dumadalaw si Carlos sa bahay namin sa Cavite, lagi kong hinihiling na tugtugin nya sa organ yung “Kontradiksyon.” Nitong huli ko lang din nalaman na si Ericson din pala ang sumulat nun.

Political Prisoners

Hindi kami magkakilala ni Ericson. Sabi nga ni Nato, sa mga kabataan, kilala lang sya bilang may-akda ng mga kanta ng Alay Sining. Pero batid din namin ang tindi ng kanyang dedikasyon sa mapagpalayang gawain. Higit labing-pitong taon na ang nakalipas mula nang una syang tumugtog sa Vinzons noon. Sabi ko nga, hindi pa pinanganganak noon iyong mga nasa YS ngayon (ayaw tanggapin ni Nato yung comment kong yun). Pero mula noon, libo-libong mga kabataan ang sumunod sa kanilang mga yapak at tumangan sa kanilang mga dating gawain.

Sa ngayon, salamat Ginoong Acosta sa iyong mga magaganda, malulungkot at maalab na mga awitin. Higit sa lahat, salamat sa iyong patuloy na pakikibaka, kahit sa loob ng kulungan. Walang kaparis ang tibay ng paninindigan nyong mga nakapiit at pinapahirapan – kayo, na kahit nakakulong ay kumikilos para sa pagpapalaya ng buong sambayanan.

——–

Commercial: Naalala ko na naman tuloy si Ka Satur na kahit nasa detention ay tuloy pa rin sa pagtuligsa sa rehimen at paghihikayat sa mga mamamayan na lumaban.

——–

Sabi nga ni Acosta sa kanyang kantang Alamat, “Mayro’ng kasaysayang ating lilikhain!”

Kaya log-out na muna tayo upang harapin ang realidad (at hindi itong ekstensyon sa internet), mangampanya, manghikayat at kumilos para makamit ang mundong tunay na mayaman at malaya.

Kontradiksyon

May paroon at parito ang kagalakan at ang panimdim
At bukas hihintayin kung ika’y tunay ngang darating
Sadyang nakapananabik pambihirang pagkakataon
Na ika’y makasamang muli sa paglusong at pag-ahon

Tayong dalawa’y iisa ang panig, kaaway ng isang daigdig
Na ngayo'y hinahamon nating kumampi sa’ting pag-ibig
Bukas man ay kaytagal, daang tulog, daang gising pa
Ilang pagpanaw at pagsilang pa ba ating makikita?

Kontradiksyon ang pangalan ng ating mundo
sa panahong tiyak palagi ang pagbabago
at dito, magka-ugnay ang mga bagay-bagay
gaya natin

Sabihin pang laging magkahiwalay
nagkakalayo dahil kailangan
bihirang magkita pagkat lumalawak
ang tinatanaw nating larangan
ang ating larangan.

At pagkatapos ng bulusok sa daluyong tayo’y uuwi
at bukas susunduin ka ng oras at lilisang muli
kaya’t kabisado natin yakap ng pamamaalam
na laging may bagong lakas na sa iba ay pinahihiram.

Bawat pagwasak may kaayusan tayong lilikhain
ang buhay mong alay sa masa sa aki’y alay mo na rin
Bukas ma’y paparating ilang tulog na lang bayan ay gising na,
Bilangin ang pagpanaw na magsisilang ng pag-asa.

Kontradiksyon ang pangalan ng ating mundo
sa panahong tiyak palagi ang pagbabago
at dito, magka-ugnay ang mga bagay-bagay
gaya natin

sabihin pang laging magkahiwalay
nagkakalayo dahil kailangan
bihirang magkita pagkat lumalawak
ang tinatanaw nating larangan
ang ating larangan.

No comments:

Post a Comment